makabáyan
Ang báyan ay isang sinaunang konseptong politikal. Mula dito sumilang noon pa ang mga konsepto ng “namamáyan”, “mamamayán,” at “bayáni”. Ngunit ang konsepto ng makabáyan ay isinilang lámang sa panahon ng paghihimagsik laban sa kolonyalismong Español. Nagmula ito sa pagkakabit ng unlaping “maka-” sa ugat na “báyan.” Ang “maka-” bilang pambuo ng pang-uri ay nagsasaad ng pagkiling o pagpanig, kayâ ang makabáyan ay tumutukoy sa nagmamahal, nagtataguyod, at nakahandang magtanggol sa kapakanan ng sariling bayan. Maaari itong itapat sa “patriyótikó” (patriotico) ng Español at mahigpit na kaugnay ng paglinang sa pag-ibig sa tinubuang lupa na nagbunsod sa Himagsikang 1896.
Paano ba maging makabáyan?
Sang-ayon sa tinatawag na Kartilya ng Katipunan (popular na tawag sa “Mga Aral ng Katipunan ng mga Anak ng Bayan” na sinulat ni Emilio Jacinto), pangunahing tungkulin ng makabáyan ang pagkilos sang-ayon sa itinitibok ng pag-ibig sa bayan. Nakaugat ito sa pagmamahal ng isang Anak ng Bayan sa kaniyang “dangál”—ang mataas at matibay na pagpapahalaga ng tao sa kaniyang sarili, at pagmamahal sa kapuwâ. Para kay Jacinto, ito ang mga bukal ng paghahangad ng kalayaan at pagiging demokratiko at makatarungan. Kung mahal mo ang sarili mo at kapuwâ mo Filipino, hindi ka papayag na maapi. Maghihimagsik ka kapag may humamak sa iyong karapatan. Sa kabilâng dako, ito ang patnubay mo upang igálang ang dangál ng kababayan at ipagtanggol ang puri ng kababaihan, anak, at mga mahinà sa lipunan. Ang pag-ibig sa dangal ay nangangahulugan din ng pamumuhay para sa isang “banal at malaking kadahilanan,” pagkakaroon ng hiyâ, “di napaaapi at di nangaapi,” at “marunong magdamdam at marunong lumingap sa baying tinubuan.”
Nagbabago ang moral na sandigan ng makabáyan sa pana-panahon. Nadadagdag ang higit na kailangan ng bayan mula sa mamamayan bukod sa matapat na pag-ibig sa bayan. Basahin at suriin ang mga tungkulin ng isang makabagong Filipino sa kasalukuyang “Panatang Makabáyan.” (VSA)