maís
Tags: corn, flora, food, cuisine, agriculture
Maís ang pangalawa sa pálay bilang pangunahing pagkaing butil sa Filipinas. Umabot sa 6.97 milyong metriko tonelada ang produksiyon natin ng mais nitóng 2011 at inaasahang mahihigitan ito kapag nagpatuloy ang magandang panahon at mabuting presyo. Pinakamalaking prodyuser ang Isabela at Bukidnon. Malakas ang konsumo ng mais sa Kabisayaan at ipinagmamalaking ito ang sekreto ng lakas ng katawan ng mga Bisaya.
Ang pangalang “maís” ay mula sa Español na maiz na mula naman sa Taino na mahiz. Itinatanim na ito ng mga Olmec at Mayan sa iba’t ibang varayti noong 2500 BC. Dinalá ito ng mga kongkistador sa Europa noong ika-15 siglo at kumalat sa buong mundo. Madalî ang pagkalat dahil nabubuhay ang mais sa iba-ibang klima. Pinakamalaking prodyuser ngayon ng mais ang Estados Unidos at China. Tinatawag itong corn sa Ingles na pinaikli diumanong “Indian corn.” Bahagi ng bokabularyo mulang Ingles ang sweet corn, popcorn, corn on the cob, corn flakes, at baby corn. Sa Mexico, mais ang sangkap ng mga pagkaing gaya ng tortilya, tamale, at atole bukod sa gumagamit ng mais ang mga putaheng taco, quesadilla, chilaquile, enchilada, at tostada. Sa Africa, pan-gunahing pagkain ang mais. Maraming bansa na ipinapalit ang ari-nang mais sa arinang trigo.
Kapag tiningnan ang estadistika, laging kulang ang produksiyon ng mais sa pangangailangang pambansa. Bunga ito ng pangyayari na may dalawang pangunahing uri ng mais na itinatanim, ang dilaw na ginagamit pampakain sa alagang hayop at ang putî na kinakain ng tao. Kapuwa maaaring kainin ng dalawa at sinasabing higit pang masustansiya ang dilaw. Ngunit nakaugaliang ipakain sa hayop ang dilaw at sa produksiyon nitó nagkukulang taón-taón sa Filipinas. Inirereklamo ng sektor na live-stock and poultry raisers ang bagay na ito. Nakaapekto pa sa suplay nilá ang porsiyentong ginagamit sa paggawa ng bioethanol. Problema din ang pangyayari na hindi gaanong iniintindi ng mga magsasaka ang pagpapahusay sa pag-aalaga ng mais.
Ang mababàng pagtingin sa mais ang posibleng ugat ng ekspresyong “korni” para sa isang hindi nagustuhang eksena o joke. Kung minsan, idinidiin pa ang desgusto sa pamamagitan ng pagkantiyaw na “mais na mais.” (VSA)