Maharliká

Maharliká ang tawag sa mga kasapi ng nakakataas na uri sa pre-kolonyal na lipunang Filipino. Maaaring nagmula ang uring ito sa pag-iisang-dibdib ng isang miyembro ng umiiral na naghaharing pamilya at ng miyembro ng pamilyang naalis na sa puwesto, o kaya’y ng miyembro ng isang nabihag na pamilya na nakipagsundo para mapanatili sa kanila ang ilang pribilehiyo.

Nakakahalubilo ng mga maharlika ang mga datu sa ilang gawain, at bagama’t hindi nila kailangang magbayad ng buwis, inaatasan silang tumulong sa karaniwang gawaing pangkomunidad tulad ng pagtatanim sa bukid at pakikipagdigma. Malimit silang maglaan ng serbisyo para ipagtanggol ang kanilang datu kapalit ng pribilehiyong makibahagi sa biyaya ng pakikidigma. Katulad ng mga timawa na ganap ding malaya, hindi sila maaaring bilhin o ibenta at mayroon din silang karapatang mamili ng datu na kanilang pagsisilbihan. Ngunit kung ang isang maharlika ay lilipat ng pagsisilbihang datu, kailangan niyang magbayad sa datu na napagpasiyahan na niyang iwan. (MBL)

Cite this article as: Maharlika. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/maharlika/