Ramón F. Magsaysáy
(31 Agosto 1907–17 Marso 1957)
Dahil anak-mahirap at may imaheng makamahirap, si Ramon F. Magsaysay (Ra·món Ef Mag·say·sáy) ay tinaguriang“Idolo ng Masa” bago pa magwaging pangulo ng Republika ng Filipinas noong 1953. Naging malaking bentahe niya kay Quirino ang mga matagumpay na kampanya laban sa Pagaalsang Huk. Ipinagpatuloy niya ang simpleng búhay at katapatan sa bayan. Kayâ isang pambansang pagluluksa ang bigla niyang pagpanaw nang bumagsak ang eroplanong sinasakyan sa Bundok Manunggal, Cebu noong 17 Marso1957.
Isinilang si Magsaysay sa Zambales noong 31 Agosto 1907 at anak ng panday na si Exequel Magsaysay at Perfecta del Fierra. Hindi rin katangi-tangi ang kaniyang rekord bilang mag-aaral. Pumasok siyá sa inhinyeriyang mekanikal sa Unibersidad ng Pilipinas ngunit lumipat sa Jose Rizal Colleges at doon nagtapos noong 1932 ng komersiyo. Ngunit nagbago ang takbo ng búhay niya nang maging mekaniko sa Try Tran Co (Teodoro R. Tanco Transportation Company). Umasenso siyá agad na manedyer at napalakas ang kompanya bago magkadigma.
Sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig siyá sumikat bilang lider ng kilusang gerilya. Tinawag tuloy na Magsaysay Gerilya ang kaniyang yunit at nahirang siyáng gobernador militar ng Zambales. Naging landas ito sa politika. Kumandidato siyá at nagwaging kinatawan ng Zambales noong 1946. Matatapos na kaniyang ikalawang termino nang hirangin siyang kalihim ng tanggulang bansa ni Pangulong Quirino. Ang tagumpay niyá laban sa Pag-aalsang Huk ang umakit sa Partido Nacionalista upang ikandidato siyáng pangulo noong 1953. Napakapopular na pangulo ni Magsaysay. Ngunit pinutol ng aksidente ang kaniyang pamumunò.
Napangasawa niya si Luz Banzon ng Balanga, Bataan at nagkaroon ng apat na anak. Isa, si Ramon Jr. ay naging senador. Ang totoo, namaná ng kaniyang kapatid na si Genaro ang paghanga ng bayan at naging senador din, bukod sa patuloy na nagwawagi sa eleksiyong lokal sa Zambales ang apelyidong Magsaysay. May Ramon Magsaysay Foundation din ngayong nangangasiwa sa isang pondo na iginagawad sa mga dakilang Asyano sa iba’t ibang larang ng paglilingkod sa bayan. (VSA)