Warning: Use of undefined constant setting - assumed 'setting' (this will throw an Error in a future version of PHP) in /home/hqe0tu85kswo/public_html/wp-content/plugins/cite/cite.php on line 105

Dély Magpáyo

(29 Oktubre 1920–1 Setyembre 2008)

Si Fidéla Magpáyo, o mas kilala bilang Tiyá Dély, ay isang Filipino brodkaster sa radyo na kinagiliwan dahil sa kaniyang programang nagbibigay ng payo sa mga tagapakinig. Isang nangungunang brodkaster siyá noong mga taóng 1950 at isa sa mga nagpasimuno ng mga awiting Filipino sa panahong puro tugtuging Americano ang maririnig sa radyo. Isa rin siyáng tagapagbalita, komentarista, radio dramatist, manunulat, at prodyuser. Dahil sa hindi matatawarang serbisyo sa kaniyang larangan, itinuring siyáng “First Lady of Philippine Radio.”

Kasal siyá kay Koronel Leonor Reyes, Sr., isang beterano ng digmaan sa Bataan at Korea, at nagkaroon ng dalawang anak na babae na sina Violeta at Delia at isang anak na lalaki na si Leonor. Matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, naging tagasuporta siyá ng kampanya ni Presidente Manuel Roxas at sekretarya ng kaniyang Bise Presidente Elpidio Quirino na humikayat sa kaniyang mag-aral sa kolehiyo. Nakapagtapos siyá ng Political Science sa Far Eastern University noong 1950.

Ang kaniyang karera sa brodkasting ay nagsimula noong siyá ay 18 taon at sumáma siyá sa mga komedyante sa radyo noon na sina Andoy Balunbalunan at Dely Atay-Atayan. Una siyáng nagkaroon ng programa bilang tagapayo sa DZRH noong 6 Oktubre 1953 at kalaunan ay lumipat sa DZMM. Matapos ang Martial Law, nagbalik siyá sa DZRH at naging host ng mga programa nang halos pitong dekada. Kahit 80 anyos na, patuloy ang kaniyang pagtatrabaho sa estasyon.

Naging artista siyá sa mga palabas sa Manila Grand Opera House, Sampaguita Pictures, LVN, at Larry Santiago Productions. Nakapagrekord din siyá ng mga awiting tulad ng “Pamaypay ng Maynila,” “Sa Ilalim ng Ilang-Ilang,” “Pandanggo ni Neneng,” at “Nabasag ang Banga” sa ilalim ng Villar Records.

Ilan sa mga parangal na iginawad sa kaniyang natatanging dedikasyon ay ang Pama-As Gintong Bai mula sa Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining, Lifetime Achievement Award mula sa Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas, Gawad Plaridel mula sa Unibersidad ng Pilipinas, at Gawad Sagisag Quezon.

Habang nása kaniyang programa sa radyo DZRH na Serenata Kolektibista noong gabi ng 30 Agosto 2008 ay naistrok siyá at dinala sa Manila Doctor’s Hospital. Pumanaw siyá makalipas ang dalawang araw. (KLL)

Cite this article as: Magpayo, Dely. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/magpayo-dely/