Warning: Use of undefined constant setting - assumed 'setting' (this will throw an Error in a future version of PHP) in /home/hqe0tu85kswo/public_html/wp-content/plugins/cite/cite.php on line 105

magéy

Flora, plants, crafts, handicrafts, medicinal plants

Ang magéy o maguey ay halaman na mahimaymay ang katawan at malamán ang dahon, katutubo sa Mexico at ipinasok sa Filipinas noong panahon ng pananakop ng mga Español. Kabilang ito sa pamilya ng mga halamang Agavaceae, at may pangalang siyentipiko na Agave americana. Tinatawag din itong “meskal,” na mula sa Español na mezcal na isang uri ng kaktus, at american aloe, bagaman wala itong kaugnayan sa mga halamang nása genus na aloe. Tumutubò paitaas ang mga dahon ng magéy at naghuhugis-roséta. Makinis ang magkabilâng panig ng mga dahon nitó, bagaman matinik ang gilid at nakatutusok ang dulo. Nagagamit sa paggawa ng lubid at damit ang mga himaymay ng dahon.

Sinasabing nagagamit din ang magéy laban sa maraming karamdaman. Ginagamit umano ito bilang antiseptiko o panlaban sa paglago o pagkalat ng mikrobyo na nagdudulot ng sakit; bilang pampurga; bilang pampalinaw ng ihi; at bilang pampatunaw ng kinain. Sa mga katutubo, ginagamit din ang katas ng dahon ng magéy laban sa panlalagas ng buhok, bukod pa sa pagpapagalíng ng mga sugat o pasò. Inilalahok din umano ang magéy sa pulut upang labanan ang iritasyon sa matá. Ang pinulbos na halaman naman nitó ay sinasabing nakatutulong laban sa anemya, at sa mga sakít sa bato at atay. (ECS)

Cite this article as: magéy. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/magey/