Ferdinand Magellan
(1480–27 Abril 1521)
Si Ferdinand Magellan (Fer·di·nánd Ma·dyé·lan) (Fernão de Magalhães sa Portuges, Fernando de Magallanes sa Español) ay isang eksplorador na Portuges na naglayag para sa España at itinuturing na unang nakaikot sa mundo sa pamamagitan ng paglalakbay-dagat. Sa naturang ekspedisyon ay nakarating siyá sa Filipinas noong 1521. Namatay siya sa Labanan sa Mactan noong 28 Abril 1521 sa kamay ng pangkat ng mga katutubo na pinamunuan ni Lapulapu, kinikilála ang naturang pinunò bilang unang bayani ng bansa.
Si Magellan ang kaunaunahang nakapaglayag mula sa Europa pakanluran patungong Asia, ang unang Europeo na nakatawid ng Karagatang Pasipiko, at ang namunò ng unang ekspedisyong pandagat na nagtagumpay umikot ng daigdig. Nagsimula ang ekspedisyong may limang barko noong 20 Setyembre 1519. Nakarating ang barko ni Magellan sa Samar ngayon noong 17 Marso 1521 at dumaong kinabukasan sa isla ng Homonhon. Umalis at nakarating siyá ng Cebu noong 8 Abril 1521.Bagaman nasawi siyá sa Filipinas, 18 sa kaniyang mga tripulanteng sakay ng barkong Victoria ang nakabalik sa España noong 1522.
Isinilang siyá noong 1480 sa Portugal. Karamihan sa salaysay tungkol sa kaniyang paglalakbay at kamatayan ay mula sa mga ulat ni Antonio Pigafetta, isang Italianong iskolar at manlalakbay na katuwang ni Magellan sa kaniyang paglalayag patungong Filipinas. Unang dumaong ang mga barko ni Magellan sa “Mazaua” (Limasawa), isang isla malapit sa Leyte ngayon. Sa Cebu, bininyagan nina Magellan sina Rajah Humabon at reyna nitóng si Amihan bilang mga Katoliko. Sa pag-uudyok ni Humabon, nagdalá ng munting pangkat si Magellan sa Mactan upang lusubin ang pinunò ng isla, si Lapulapu. Namatay si Magellan sa labanang naganap.
Sa kaniya ipinangalan ang Magellanic Clouds, ang taguri sa dalawang galaksi na malapit sa Milky Way, at Strait of Magellan sa dulo ng Timog America. Siya ang nagbigay ng pangalan sa Karagatang Pasipiko (na tinawag niyang “Mar Pacifico”). Sa Filipinas, ipinangalan sa kaniya ang isang pook sa Lungsod Makati na kinatitirikan ng Magallanes MRT Station, at ang Krus ni Magellan sa Kalye Magallanes sa Lungsod Cebu. Sinasabing ang krus ay itinayô sa utos ni Magellan pagkadaong nilá sa Cebu noong 1521. (PKJ)