Teresa Magbanua
(4 Nobyembre 1871–Agosto 1947)
Si Teresa Ferraris Magbanua (Te·ré·sa Fe·rá·ris Mag·ban·wá) ang nag-iisang babae sa kasaysayan ng Kabisayaan na namunò ng mga mandirigma laban sa mga sundalong Español at Americano. Dahil sa kaniyang pakikisangkot sa digmaan sa Panay noong Himagsikang Filipino, binansagan siyang “Joan of Arc ng Kabisayaan,” paalinsunod sa bayaning Pranses na namunò sa pakikibaka laban sa mga Ingles sa Orleans, France noong 1492.
Isinilang si Magbanua noong1871 sa Pototan, Iloilo sa isang malaki at maykayang pamilya. Sina Juan Magbanua at Alejandra Ferraris ang kaniyang mga magulang, at may apat ang kapatid na babae at apat din ang kapatid na lalaki. Nag-aral muna siyá sa Colegio de San Jose sa Jaro, Iloilo bago nagtapos bilang guro sa Colegio de Santa Catalina sa Maynila. Nagturo siyá sa iba’t ibang bayan sa Iloilo hanggang madestino sa bayan ng Sara at mapangasawa si Alejandro Balderas, isang magsasaka.
Nang mag-alsa noong 1896 ang mga taga-Panay sa pamumunò ni Heneral Martin Delgado, agad sumapi sa hukbong rebolusyonaryo si Magbanua. May pag-aalinlangan siyáng tinanggap ng kaniyang amaing si Heneral Perfecto Poblador na pinunò noon ng hilagang sona sa Panay. Malakas kasi ang paniwala noon na hindi bagay o nararapat ang babae sa digmaan. Ngunit naging masugid si Magbanua at hindi naglaon ay ipinakita ang kakayahan sa labanan, lalo sa pagiging asintado sa baril at sa husay sa pangangabayo. Pinamunuan niya ang isang pangkat ng kalalakihan sa Labanang Baryo Yoting, Capiz noong Disyembre 1898 at sumabak din sa Labanang mga Burol Sapong malapit sa Sara, Iloilo. Namatay ang kaniyang mga kapatid na sina Heneral Pascual at Elias Magbanua sa Himagsikan.
Sa Digmaang Filipino-Americano, napasáma muli si Magbanua sa maraming labanan at gawaing gerilya. Nang isuko ang Panay noong 1900, nilansag niya ang kaniyang pangkat at tahimik na namuhay sa bukid kasáma ang asawa. Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nagbigay siyá ng tulong pinansiyal sa kilusang gerilya sa Iloilo. Nanirahan si Magbanua sa Pagadian, Zamboanga del Sur pagkatapos ng digmaan. Dito pumanaw ang tinatawag ng kaniyang mga kababayan na “Nay Isa” noong Agosto1947. (PKJ)