Magát Salámat
(1550 – 1589)
Isa si Magát Salámat sa mga namunò sa unang balak upang mapatalsik ang mga Español sa Filipinas noong 1571.
Mula sa angkan ng mga namumunò sa distrito ng Tondo, pinaniniwalaang pinakabatàng anak na lalaki si Magat Salamat ni Raha Matanda. Kasáma niyang nagplano ng himagsik ang kaniyang mga kamag-anak na sina Agustin de Legaspi at Martin Panga, gobernadorsilyo ng isang distrito ng Maynila. Kasáma rin sa plano ang isang Hapones na mangangalakal na si Juan Gayo, at sina Agustin Manuguit, Felipe Salallila at Geronimo Bassi. Alinsunod sa plano, pupunta si Magat Salamat sa mga isla ng Cuyo at Calamianes upang hingan ng tulong ang mga lider doon. Matapos pumunta sa mga isla, pupunta si Magat Salamat sa Borneo upang hingin ang tulong ng Sultanato para sa armas na gagamitin sa malawakang digmaan. Hihimukin din niyang magpadala ng isang barko na maglalayag hanggang Cavite bago samahan ang barko ng Sultanato ng Sulu na maglayag papuntang Maynila para ilunsad ang digmaan.
Habang nagsilbing emisaryo si Magat Salamat sa malalayòng lugar, lumalawak nang lumalawak ang kasapian ng mga kakalaban sa Espanya. Kabilang ang mga lider ng Pandakan, Tondo, Candaba,Pampanga, Polo,Bulakan, Catangalan at Navotas sa mga unang nahikayat na sumali. Hinikayat din ng mga lider ng pagaalsa ang pamunuan sa Cavite, Malolos, Guiguinto, Laguna at Batangas na sumali.
Nalaman ng mga Español ang planong nang madiskubre ito ni Antonio Surabao, enkomiyendero ni Kapitan PedroSarmiento, at ipagtapat sa kapitan ang kaniyang nadiskubre. Isa-isang hinúli ang mga lider at pinarusahan. Pinatay si Magat Salamat kasáma sina Agustin de Legaspi at Martin Panga.
Napatunayan ng mga unang nagplano at nakisali sa planong pagpapatalsik ng mga Español na may kakayahang magsama-sama ang mga Filipino laban sa mga dayuhan at mayroong bukas na komunikasyon ang mga lider na Filipino sa ibang dayuhan. Ang kakayahan ng mga Filipino na magkaisa upang labanan ang mga Español ay hindi nagsimula sa Katipunan; bagkus sa grupo nina Magat Salamat. (SJ)