Magaláte
(sk 1595)
Pinunò ng mga pag-aalsa sa Cagayan noong ika-16 siglo laban sa mataas na buwis at abusadong pamamalakad sa engkomiyenda, walang ulat hinggil kay Magaláte maliban sa pagiging pinunò ng mga pag-aalsa noong 1595. Sinasabing nag-alsa ang mga taga-Cagayan dahil sa trato sa kanilang tila alipin ng mga Español. Noon pang 1586 ay dalawang ulit nang nag-alsa ang mga taga-Cagayan at taga-Pangasinan.
Noong 1595, pinangunahan ni Heneral Luis Perez Dasmariñas ang isang kampanya sa hilagangsilangan ng Luzon upang lupigin ang rebelyon sa kabundukang Caraballo malapit sa Pasong Dalton ngayon. Matapos payapain ang mga pook hanggang sa paligid ng Ilog Cagayan ay bumalik siyá sa Maynila na bihag si Magalate at ang kapatid na lalaki. Ipinakilála si Magalate na pinunò ng bayang Lubutan.
Hindi nagtagal si Magalate sa bilangguan sa Maynila. Hiniling ng mga Dominiko ang kalayaan niya at ng kapatid upang maging patnubay patungong Segovia, ang kapitolyo ng Cagayan. May naging pag-aalsa sa Segovia, at kailangan ng mga padre ang giya para marating ang mga liblib na pook. Ngunit pagdating sa Cagayan, kung saan sa Ilog Lobo, biglang inudyukan ni Magalate ang taumbayan para muling mag-alsa. Sumáma sa kaniya ang mga pinunò ng Tuguerarao at ibang sityo. Sinasabing pinarusahan nilá ang mga katutubong ayaw sumáma sa kanila. Dahil sa kaguluhan, naging mapanganib ang paglalakbay sa buong rehiyon.
Nagpadalá ang gobernador ng hukbo sa ilalim ni Pedro de Chavez para payapain ang Cagayan. Ang mga lider na mabihag ay agad binibitay sa harap ng bayan. Matagal na hindi mahúli si Magalate. Sa gayon, nagbigay ng gantimpala si Chavez para sa ulo ni Magalate. Pinatay si Magalate sa kaniyang sariling bahay ng kaniyang sariling mga alagad dahil sa gantimpala. Wika ni Gobernador Francisco Tello, napakatalino ni Magalate at may awtoridad kayâ napakahalaga ng pagpatay sa kaniya para sa kapayapaan ng Cagayan. (GVS)