Angel Magahum
(1 Oktubre 1867-28 Nobyembre 1935)
Itinuturing na “Ama ng nobelang Ilonggo” si Angel Magahum (Ang·hél Ma·gá·hum). Sinulat niya ang Benjamin (1907), ang unang nobelang Ilonggo. Ilan pa sa mga sinulat niyang nobela ang Isa ca Bihag (1920, Isang Bihag), Ang Palaabuton (1934, Anuman ang Daratnan), at Gugma at Kabuhi (Pag-ibig at Búhay). Ang mga nobela ni Magahum ay tumatalakay sa karaniwang kaugalian na may halòng pagtalakay sa kasaysayan.
Nagsulat din siyá ng mga dulà at maikling kuwento. Nahikayat diumano si Angel Magahum na magsulat ng mga dulà dahil napanood niya ng pagtatanghal ng Gran Compania de la Zarzuela Tagala ni Severino Reyes. Ilan sa sinulat niyang sarsuwela ang Buhi Pa (1904, Buháy Pa), Gugma sang Maluib (1907, Pag-Ibig ng Traydor), at Ang Dungog (1907, Ang Karangalan).
Lahat ng mga naisulat na sarsuwela ni Magahum ay isinadula ng Asociacion Fraternidad na siyá rin ang nagbuo, siyá ang naglapat ng musika ngunit iba ang direktor, at itinanghal sa mga paaralan ng Molo, Iloilo. Sumulat din siyá ng mga sugilanon, at pinakatanyag ang koleksiyong Hinugpong nga Malip-ut nga Sugilanon inilathala noong1935. Nakapagsulat din siya ng iba’t ibang librong pangkasaysayan gaya ng Guerra en Europa, Kinabuhi ni Dr. Jose Rizal (Buhay ni Jose Rizal), Pagbitay kay Pari Burgos, Gomez at Zamora, at Maragtas sang Pilipinas (Kasaysayan ng Pilipinas). Isinulong din ni Magahum ang wikang Hiligaynon. Patunay nitó ang Ang Pagsulat sang Pulong nga Binisayang Hiligaynon-Harayanon (Ang Pagsulat ng mga Salitang Hiligaynon-Harayanon Visayan) at Euponiya sang Pulong nga Hiligaynon (Ang mga Tunog ng mga Salitang Hiligaynon).
Ipinanganak si Angel Magahum noong 1 Oktubre 1867 sa Molo, Iloilo. Nakapagtapos siyá ng bachiller en artes sa Seminario de San Vicente de Paul. Naging bahagi siyá ng hukbong rebolusyonaryo laban sa mga Español bago siyá nagpakasal kay Carmen Delgado Borromeo, isa sa mga aktres ng kaniyang mga dula. Namatay siyá noong 28 Nobyembre 1935 sanhi ng komplikasyon sa puso. (SJ)