Macli-ing Dulag

(?–24 Abril 1980)

Si Macli-ing Dulag (Mak·li-ing Dú·lag) ay isang pinunò ng tribung Butbut ng mga Kalinga na pinaslang ng mga sundalo noong panahon ng diktadurang Marcos. Isa siyá sa mga kinikilalang bayani ng rehiyong Cordillera.

Si Macli-ing ay iginagalang na pangat, o pinunò ng tribu, na ipinagtatanggol ang karapatan ng kaniyang mga kababayan at kanilang pagmamay-ari ng lupa laban sa Chico River Basin Hydroelectric Dam Project ni Pangulong Ferdinand E. Marcos. Noong 24 Abril 1980, ilang sundalo ng Philippine Army ang nagpaulan ng bala sa dalawang bahay sa Bugnay, Tinglayan, Kalinga. Namatay si Dulag samantalang nakaligtas si Pedro Dungoc, isa pang lider laban sa Chico Dam.

Idinadaos taon-taon ang Araw ng Cordillera bilang paggunita sa pagkamartir ni Macli-ing at sa kaniyang mga ipinaglalaban. (PKJ)

Cite this article as: Macli-ing Dulag. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/macli-ing-dulag/