Jose M. Maceda

(31 Enero 1917-5 Mayo 2004)

Si Jose M. Maceda (Ho·se Em Ma·sé·da) ay isang kompositor, piyanista, etnomusikologo, at iskolar. Kinilala siyá sa kaniyang pagtataguyod ng pangkulturang identidad ng bansa sa pamamagitan ng mga pag-aaral sa mayamang kasaysayan at kultura ng musika ng bansa. Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Sining sa Musika noong 1997.

Bilang kompositor, nagtagumpay si Maceda na palayain ang musikang Filipino sa Kanluraning pagkahon sa konsiyerto, simponiya, sonata atbp. sa pamamagitan ng pagpapaunlad sa tunay na Filipinong damdamin at sining sa musika. Mula 1963 hanggang 1997, ang mga obrang ito ay panandang bato sa musikang Filipino: “Ugmang-ugma,” gamit ang katutubong instrumento at koro (1963), “Agungan,” para sa mga gong (1965), “Kubing,” tampok ang tinig ng mga lalaki at kawayan (1968), “Pagsamba,” itinatanghal sa isang pabilog na awditoryum (1968), “Cassettes 100” (1971), at “Ugnayan” (1974). Bilang etnomusikologo, malaking bahagi ng kaniyang buhay ay inilaan sa nangunguna at masusing pananaliksik sa kasaysayan at kultura ng musika sa Filipinas at mga bansa sa Timog-silangang Asia, mula pa noong 1953. Itinatag niya ang UP Center for Ethno- musicology bilang pangunahing sentro ng pag-aaral sa kultura ng musika sa bansa at sa daigdig.

Nagtamo siyá ng l’Ordre des Palmes Académiques mula sa Pransiya (1978); Outstanding Research Award mula sa UP (1985); John D. Rockefeller Award mula sa Asian Cultural Council sa New York (1987), Tanglaw ng Lahi mula sa Ateneo de Manila University (1988), at CCP Ga- wad ng Lahi (1989). Tinanggap din niya ang mga pag- kilalang internasyonal na gaya ng Fumio Koizumi Award for Ethnomusicology sa Japan; Nikkei Award sa Tokyo (1997), Fondazione Civitella Ranieri sa Italy; at ng titulong Officier dans l’Ordre National du Mérite at Chevalier de la Légion d’Honneur mula sa pamahalaang Pranses.

Ipinangak siya noong 31 Enero 1917 sa Laguna kina Huwes Casto Maceda at Concepcion Montserrat. Nagtapos siyá noong 1935 sa Academy of Music sa Maynila. Ipinadala siyá sa Paris noong 1937 upang kumuha ng karagdagang pag-aaral sa piyano sa Ecole Normale de Musique de Paris. Nag-aral din siyá ng musikolohiya sa Queens College and Columbia University sa New York; antropolohiya at etnomusikolohiya sa University of Chicago, NorthWestern, at Indiana University; at noong 1964, natamo ang kaniyang Doctor of Philosophy sa University of California. Pumanaw si Maceda noong 5 May 2004. (RVR)

Cite this article as: Maceda, Jose M.. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/maceda-jose-m/