Diosdado P. Macapagal
(28 Setyembre 1910–21 Abril 1997)
Nagwaging pangulo ng Republika ng Filipinas noong halalang 1961 si Diosdado P. Macapagal (Di·yos·dá·do Pi Ma·ka·pa·gál), isang anak-mahirap na tulad ni Pangulong Magsaysay kayâ tinaguriang “Poor Boy from Lubao.” Tulad ni Pangulong Garcia, isa rin siyáng mahusay na makata sa Pampanggo. Ngunit isa rin siyáng abogado at matagal naglingkod sa pamahalaan. Sa pa- nahon niya inilipat ang Araw ng Kalayaan mula Hulyo 4 tungo sa Hunyo 12. Ama din siyá ng Agricultural Land Reform Law.
Isinilang si Macapagal sa San Nicolas, Lubao, Pampanga noong 28 Setyembre 1910 sa magsasakang si Urbano Macapagal at anak ng kasamáng si Romana Pangan. Nagtapos siya ng Associate in Arts sa Unibersidad ng Pilipinas at ng abogasya sa Unibersidad ng Santo Tomas. Unang asawa niya si Purita de la Rosa, kapatid ng bantog na artistang si Rogelio de la Rosa, at dalawa ang naging anak nila, sina Maria Cielo at Arturo. Muli siyáng nagpakasal kay Evangelina Macaraeg ng Pangasinan at naging anak sina Maria Gloria na napangasawa ni Atty. Jose Miguel Arroyo y Tuazon at naging pangulo din ng Filipinas, at si Diosdado Jr.
Topnotcher siyá sa bar noong 1936. Nagtrabaho siyáng abogado hanggang sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Noong 1949, nagwagi siyáng representante ng Pampanga sa tiket ng Partido Liberal. Muli siyáng nagwagi noong 1953 kahit Partido Nacionalista ni Pangulong Magsaysay ang mayorya. Tumakbo siyáng senador noong 1955 ngunit natálo. Walang nanalong Liberal na senador sa naturang halalan ngunit nakuha niya ang pinakaraming boto sa tiket ng Liberal. Sa halalang 1957, ikinandidato siyáng pangalawang-pangulo ng Liberal at katiket ni Jose Yulo. Natálo si Yulo kay Garcia, ngunit nanalo si Macapagal kay Jose Laurel Jr. ng Nacionalista. Pinaghandaan niya ang eleksiyong 1961 at nagwagi siyá kay Pangulong Garcia. Ngunit naging malaking sakit ng ulo niya ang pangyayaring tig-12 ang Nacionalista at ang Liberal sa Senado. Natálo siyá sa eleksiyong 1965. Hulíng gawain niya ang 1971 Kumbensiyong Konstitusyonal. Pinalitan niya si Pangulong Garcia bilang pangulo ng kumbensiyon hanggang 1972. Nagsulat siyá ng libro nang magretiro. Isa ang Democracy in the Philippines (1976) na isang pagtutol sa diktadura. Namatay siyá noong 21 Abril 1997. (VSA)