Apolinario Mabini
(23 Hulyo 1864–13 Mayo 1903)
Madalas bansagan si Apolinario Mabini (A·po·li·nár·yo Ma·bí·ni) bilang “Utak ng Himagsikang Filipino” at “Dakilang Lumpo” dahil sa kaniyang mga akda at naging mahalagang tungkulin noong panahon ng Himagsikang Filipino.
Isinilang siyá noong 23 Hulyo 1864 sa Talaga, Tanauan, Batangas. Ikalawa siyá sa walong anak nina Inocencio Mabini, isang maralita, at Dionisia Maranan, isang tindera sa palengke. Namasukan siyá bago natanggap na iskolar sa Colegio de San Juan de Letran noong 1881 at nakapagtapos ng abogasya sa Unibersidad ng Santo Tomas noong 1894. Sumapi siyá sa La Liga Filipina at naging aktibo sa Kilusang Propaganda. Nang itatag ang Katipunan, hindi siya sumali dito. Nagkasakit siyá at naging lumpo makaraan ang dalawang taon. Sa pagsiklab ng Himagsikang 1896, pinaghinalaan siyáng Katipunero ng mga Español at dinakip. Dahil maysakit, hindi siyá ibinilanggo kundi ipinadala sa ospital ng San Juan de Dios at nanatili roon hanggang mabigyan ng amnestiya. Nakita niya pagkaraan ang kabuluhan ng layunin ng Katipunan na ibagsak ang pamahalaang Español.
Nabalitaan ni Heneral Emilio Aguinaldo ang galíng niya sa batas kayâ’t hinirang siyáng punòng ministro ng rebolusyonaryong Kongresong Malolos. Siyá ang sumulat ng mga dekreto, manipesto, at iba pang kasulatan para kay Aguinaldo kayâ naituring na “Utak ng Himagsikang Filipino.” Noong Digmaang Español-Americano, agad niyang naisip ang epekto nito sa Filipinas at hinulaan niyang sasakupin tayo ng mga Americano.
Sa panahon ng Digmaang Filipino-Americano, kahit isang lumpo ay hindi siyá sumuko. Nahúli man noong 1899, hindi siyá napilit manumpa sa bandila ng Estados Unidos at sa halip ay ipinagpatuloy ang pagsulat laban sa pananatili ng mga Americano sa Filipinas. Muli siyáng hinuli at ipinatapon sa Guam. Doon niya natapos ang La Revolucion Filipina, isang pagsusuri sa simula at kasaysayan ng Himagsikang Filipino. Pinayagan siyáng makabalik sa bansa makaraan ang halos dalawang taon. Pagdating niya sa Maynila noong 1903, tinanggihan niya ang alok na trabaho sa itinatayông gobyernong sibil ng Americano. Namatay siya sa sakít na kolera noong 13 Mayo 1903 sa Maynila. (PKJ)