Artúro R. Luz

(29 Nobyembre 1926—)

Arturo Rogerio Dimayuga Luz ang buong pangalan,si Artúro Luz ay isang modernistang pintor at eskultor. Kinilala siya sa kaniyang minimalista subalit magarang mga pintura, eskultura, guhit, print, etching, larawan, tapestry, collage, at iba pang nilikha sa loob ng mahigit kalahating siglo. Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Sining sa Sining Biswal noong 1997.

Mahahati sa tatlong hanayan ang kaniyang mga obra. Ang bawat isa ay kumakatawan sa yugto ng kaniyang maningning na karera. Noong maagang bahagi ng dekada 50, makikita ang impluwensiya ni Rufino Tamayo, isang Mehikanong ekspresyonistang pintor, sa kaniyang mga nilikhang tulad ng Candle Vendors (1951, oleo sa marine plywood) at Street Musicians (1952). Noong 1957-1964 naman ay impluwensiya ni Paul Klee, isang Alemang pintor, ang katangian na makikita sa kaniyang Carnival and Cyclist Series. Ang hulíng mga taon ng dekada 60 ay kakikitahan ng malalaking eskultura na yari sa marmol, kahoy, at metal. Noong 1969, dalawang krusyal na resolusyon ang tinupad ni Luz–una, ang paglipat mula piguratibo patungong abstraksiyon; at ikalawa, ang pagbibigay-diin sa eskultura, gaya sa nakatanghal sa Philippine International Convention Center (Grid, stainlees steel), Westin Philippine Plaza Hotel (Interlocking Forms, concrete), Ayala Museum at Ateneo De Manila University. Maging ang mosaic na sahig ng Church of the Holy Sacrifice ng UP ay disenyo ni Luz.

Nagkamit siyá ng iba’t ibang parangal, gaya ng Republic Cultural Heritage Award (1966); Order of Chevalier des Arts et Letres mula sa pamahalaang Pranses (1978); Gawad CCP para sa Sining Biswal (1989); at Diwa ng Lahi Award, Lungsod Maynila (1993).

Isinilang siyá noong 29 Nobyembre 1926 sa Maynila kina Valeriano K. Luz at Rosario Dimayuga. Nag-aral siyá sa University of Santo Tomas School of Fine Arts sa loob lamang ng tatlong buwan. Noong 1994, nakamit niya ang diploma mula sa California College of Arts and Crafts sa Oakland para sa tatlong taóng masusing pag-aral sa kulay, disenyo, at pagguhit. Kumuha siyá ng karagdagang pag-aaral sa Brooklyn Museum Art School sa New York at sa Académie Grande Chaumière sa Paris. Ikinasal siyá kay Teresita Ojeda at may apat na anak. Naging punòng ehekutibo siyá ng Design Center Philippines (1973–1987), direktor ng Metropolitan Museum of Manila (1976–1986), at may-ari ng Luz Gallery. (RVR)

Cite this article as: Luz, Arturo R.. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/luz-arturo-r/