lúyong

Flora, plam, trees

Ang lúyong ay uri ng punòng palma na ginagamit sa pag-gawâ ng palaso ng pana. Ang pangalang siyentipiko nitó ay Saribus rotundifolius, at kasama nitó sa pamilyang Arecaceae ang “anáhaw” na pambansang dahon ng Filipinas, at may pangalang siyentipiko namang Livistona rotundifolia.

Sa ibang lugar sa Filipinas, iisa ang tinutukoy ng anahaw at lúyong. Gayunman, noong Setyembre 2011, pagkatapos ng pananaliksik sa DNA, naging opisyal ang genus na Saribus para sa lúyong, at ibinukod ito sa Livistona ng anáhaw.

Tumataas ang lúyong nang hanggang 20 metro at may diyametrong hanggang 25 sentimetro. Ang makinis at tuwid nitóng katawan ay may tanda ng mga pinagdahunan, sapagkat naiiwan sa ituktok nitó ang mga dahon at may direksiyong pataas. Itinuturing na gulay ang buko nitó, at kinakain ang butóng nitó hábang berde pa at sariwa. Nagsisimulang mamulaklak ang lúyong mula Marso hanggang Hulyo; mapupútî naman ang mga bunga nitó mula Agosto hanggang Setyembre.

Karaniwang ginagamit ang lúyong sa pagsasaayos ng paisáhe o landscape. Tumutubò ito sa mga may klimang subtropiko o tropiko’t karaniwang maalinsangan. Ginagamit din ang dahon nitó bilang pambalot ng pagkain, tulad ng kanin, at bilang pang-atip o pambubong. Dahil sa labis na paggapas ng mga dahon ng mga lúyong na ilahas ay lumiit ang sukat nitó sa paglipas ng panahon. Mas mabilis na ngayong tumubò ang mga dahon nitó subalit higit na maliliit kaysa dati. Matatagpuan ang lúyong sa halos lahat ng panig ng Filipinas. (ECS)

 

Cite this article as: lúyong. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/luyong/