lúya

Flora, ginger, cooking ingredients, medicinal plants, spices, food preservation

Ang lúya (genus Zingiber) ay halamang tuwid at makinis, sálitan ang mga biluhabang dahon na matutulis ang dulo, at malaman at mabango ang ugat na karaniwang ginagamit sa pagluluto at panggagamot. Ito ay mula sa pamilyang Zingiberaceae na kinabibilangan din ng turmeric, cardamom, at galangal. Dahil sa dilaw na bulaklak at kakayahan nitóng mabuhay sa maiinit na klima, madalas itinatanim ito sa harap ng bakuran bilang palamuti.

May habà ang madahon nitóng tangkay na aabot hanggang isang metro. Ang patulis nitóng dahon ay may habàng 15 hanggang 25 sentimetro at lapad na dalawang sentimetro. Ang scape o bubot na bulaklak ay patayô, at may habà rin tulad sa dahon nitó. Napapaligiran ito ng halinhinang bracts o maladahong bahagi na pumoprotekta sa scape. Ang bracts ay hugis itlog, maputlang berde, may maliliit na patusok sa gilid at humahabà hanggang 2.5 sentimetro. Ang calyx naman ay humigit-kumulang isang sentimetro ang habà. Ang spike na tumutubò sa ugat ay may hugis na tulad ng sa itlog at may habàng limang sentimetro.

Bawat bansa o rehiyon ay may kani-kaniyang tawag sa produktong nagagawa mula sa luya. Nagkakaiba man sa tawag, makikitang halos pareho ang paraan ng paggamit nila rito.

Ang tradisyonal na paggamit ng luya para sa mga taga-Gitna at Timog Africa ay ang pagkuha sa risoma kapag natuyo na ang tangkay sakâ pakukuluan o huhugasan at kakayurin upang hindi tubuan ng panibagong halaman. Ang mabangong perisperm ay ginagawa niláng sweetmeat. Madalas gamitin ang luya sa pagluluto lalo na ng mga taga-Timog Asia dahil sa taglay nitóng bango at anghang. Ang mga muràng risoma ay makatas, malaman, at may tamang lasa na angkop gawing atsara o gamiting sangkap sa ibang putahe. Dahil dito, laganap sa buong rehiyon ang paggamit ng luya bilang pampalasa sa mga putaheng lamang-dagat, karneng kambing, at gulay. Mainam din itong pampreserba ng pagkain.

Para sa mga taga-Europa, ang pinulbos na pinatuyong luya ay ginagawang pampalasa sa tinapay, cookies, krakers, at keyk, at sangkap sa paggawa ng serbesa. Maaari rin itong pakuluan upang makagawa ng tsaang luya na madalas haluan ng pulút, hiniwang lemon, o dalanghita. Nakakagawa rin ng kendi o alak mula dito na sinimulan nang ibenta mula pa noong 1740.

Sa Filipinas, ginagamit ang luya bilang sangkap sa tinolang manok at iba pang lutuin upang mawala ang lansa ng mga ito. Salabát naman ang tawag sa inuming nagmumula sa binalatan at pinakuluang luya. Ginagamit din ito bilang lunas sa sipon, ubo, lagnat, pagkahilo, at masakit na lalamunan. Ikasiyam ang Filipinas sa pandaigdigang produksiyon ng luya sa mundo. Kilalá rin ito bilang agat, baseng, henhibre, laya, at pagirisen. (KLL)

 

 

Cite this article as: lúya. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/luya/