lungsód

Ang lungsód ay isang dibisyong politikal sa Filipinas at nagsisilbing epektibong instrumento  sa  pamamahala at mahalagang mekanismo sa paghahatid ng direktang serbisyo sa mamamayan. Binubuo ito ng mas maunlad, matao, at urbanisadong mga pamayanan o grupo ng mga barangay. Tulad ng isang munisipalidad pinamumunuan ang lungsod ng “alkálde” at “bíse alkálde.” Mayroon itong “Sangguniang Panlungsod” na binubuo ng mga halal na kagawad at nagsisilbing batasan.

Ang salitâng “lungsód” ay mula sa wikang Sebwano na nangangahulugang nayon. Kinuha ito ng wikang Filipino upang itumbas sa siyudád (ciudad) ng Español at city ng Ingles. Sa kasaysayan, ang unang mga siyudad na itinatag ng mga Español ay Maynila, Cebu, Nueva Caceres (Naga sa Bikol ngayon), Arevalo (Iloilo), Nueva Segovia (Lal-lo ngayon), Villa Fernandina (Vigan ngayon). Tinatawag na “ayuntamyénto” (ayuntamiento) ang pamahalaang lungsod noon na may dalawang alkalde, 12 regidores o konsehal, hepe ng pulisya, at ibang opisyal.

Ang isang munisipalidad o kumpol ng mauunlad na barangay ay maaaring maging ganap na lungsód kung ito ay kumikita ng hindi bababâ sa dalawampung milyong piso (P20,000,000.00) sa nakaraang dalawang taon; may populasyong hindi bababâ sa 150,000; at may saklaw na teritoryong hindi bababâ sa 100 kilometro kuwadrado. Ang isang lungsod ay maaari lámang likhain, buwagin, o palakihin ng Kongreso ng Filipinas subalit kailangan pa rin ang pag-sang-ayon ng mayorya ng apektadong mamamayan sa pamamagitan ng isang plebisito.

May tatlong pangunahing uri ng lungsód: ang Sadyang Urbanisadong Lungsod, ang tinatawag na Independent Component City, at ang Component City. Inuuri din ang mga lungsód ayon sa taunang kita: una o primera na may taunang kita na higit sa P400 milyon; pangalawa o segunda na may taunang kita na P320 milyon hanggang P400 milyon; pangatlo o tersera na may taunang kita na P240 milyon hanggang P320 milyon; pang-apat na may taunang kita na P160 milyon hanggang P240 milyon; panglima na may taunang kita na P80 milyon hanggang P160 milyon; at pang-anim na may taunang kita na mababà sa P80 milyon. Sa hulíng senso noong Setyembre 2011, mayroon nang 138 lungsód sa Filipinas. (SMP)

Cite this article as: lungsod. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/lungsod/