Lungsód Baguio

Ang tinaguriang “Summer Capital” ng Filipinas na matatagpuan sa lalawigan ng Benguet. Ang Lungsód Baguio (Bág·yo) ay nása ibabaw ng isang talampas na may 1,520 metrong taas mula sa dagat at may pangkaraniwang temperaturang 18 sentigrado. Ang malamig na klima ng siyudad ang nagsisilbing pangunahing atraksiyon upang puntahan ito ng mga bakasyonistang Filipino at mga dayuhan lalo na sa panahon ng tag-init. Ang lalawigan ng Benguet ay bahagi ng Cordillera Administrative Region (CAR). May 130 ang kabuuang bilang ng barangay ng Baguio. Tinatawag ang Baguio na “Kafagway” ng mga katutubo mula sa iba’t ibang pangkating etniko dito. Ang kasalukuyang pangalan ay sinasabing hango sa halamang “bagiw.”

Nagpunta dito ang mga mananakop na Español upang maghanap ng mga mina ng ginto, pilak, at tanso. Nang masakop ng mga Americano ang Filipinas itinatag nilá ang unang pamahalaang sibil ditto noong ika-1 ng Hunyo 1903. Hanggang 1909, ang siyudad ay isang lugar na ginawang minahan ng Benguet Consolidated Mining Company.

Ang tatlong pangunahing daan patungo sa siyudad ay ang Naguilian Highway, Marcos Highway, at ang Kennon Road. Ang Session Road ang pangunahing daan sa loob ng lungsod. Makikita rin dito ang Burnham Park, ang pangunahing parkeng pasyalan ng siyudad na ipinangalan kay Daniel Burnham, ang nagdisenyo ng plano ng siyudad. Ang pamilihan ng siyudad na nása bahaging dulo ng Session Road ay tampok sa mga panindang gulay, prutas, mga hinabing damit, at yaring-kamay na dekorasyon. Dinarayo rin dito ang Wright Park, na may mga kabayong sinasakyan ng mga turista at tinatahak ang daan patungong tarangkahan ng Mansion House, ang opisyal na bakasyunan ng Pangulo ng Filipinas. Ang ibang lugar pasyalan dito ay ang Mines View Park na nagpapakita ng kabuuang lawak ng bulubundukin ng Benguet. Narito rin ang Camp John Hay na dating kampo ng mga Americano at ngayon ay naglalaman ng mga pasilidad na bukás sa publiko. Ang Philippine Military Academy (PMA) ay matatagpuan din sa may labas ng siyudad. Bagong atraksiyon ang taunang Panagbënga Festival na nagtatampok  sa magagandang bulaklak na tanim sa malamig na kabundukan. (AMP)

Cite this article as: Lungsod Baguio. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/lungsod-baguio/