Juan Luna

(24 Oktubre 1857–7 Disyembre 1899)

Dakilang pintor sa huling bahagi ng siglo 19 si Juan Luna (Hu·wán Lú·na) at isang sagisag ng pambihirang talinong Filipino sa panahon ng Kilusang Propaganda. Nagwagi ng medalyang ginto ang kaniyang obra maestrang Spoliarium sa Exposicion General de Bellas Artes sa Madrid noong 1884. Sa pagpupugay nit Rizal, sinabi niyang patunay ang pintura ni Rizal na ang “henyo ay walang lupain” at nangangahulugang may kakayahan ang mga Filipino na kapantay o hihigit pa sa mga Europeo.

Isinilang si Juan noong 24 Oktubre 1857 sa Badoc, Ilocos  Norte,  anak  nina  Joaquin  Luna  de  San Pedro at Laureana Novicio. Nakababatà niyang kapatid si Antonio Luna. Lumipat sa Maynila ang pamilya Luna noong 1861 kayâ nakapagtapos siyá sa Ateneo de Manila. Nag-aaral siyá sa Escuela Nautica at natamo ang sertipikong piloto de altos mares tercer clase (magdaragat, ikatlong antas). Hábang naghihintay ng pagsakay sa barko, nag-aral muna si Luna sa Academia de Dibujo y Pintura sa ilalim ni Lorenzo Guerrero. Napansin ang kaniyang husay at hinikayat ng guro ang mga magulang na pag-aralin pa ng sining ang binata. Ipinadala siyá sa España. Nagtungo din siyá sa Italya at sa Pransiya. Napangasawa niya si Paz Pardo de Tavera at nagkaroon silá ng dalawang anak, sina Andres Luna at Maria de la Paz.

Sa Madrid Art Exposition noong 1881, nagwagi ng medalyang pilak ang kaniyang obrang Cleopatra. Noong 1883, sinimulan niyang gawin ang Spoliarium. Nang sumunod na taon, nilikha niya ang El pacto de sangre (Sandugo) at Miguel Lopez de Legazpi, na dinalá sa Maynila bilang proyekto para sa natamo niyang scholarship.

Nagpahayag siyá ng pagkasawà sa estilong pang-akademya (na mahilig sa mga historiko at klasikong paksa) sa sining noong 1889. Sa yugtong ito ay nalikha niya ang Le Chifonier (Tagapulot ng basahan) na nagpapakita ng matandang lalaking gulanit ang suot at may daláng basket ng basahan. Noong 1892, natapos niya ang Peuple et Rois (Taumbayan at Mga Hari) na balak niyang ilahok sa Chicago Universal Exposition sa taóng iyon. Ngunit hindi ito nangyari dahil sa personal na trahedya. Binaril niya ang sariling asawa at biyenan. Napawalang sala siyá at nagbalik sa Maynila noong 1894. Noong Agosto 1896, dinakip siyá at ang kaniyang mga kapatid sa hinalang kasapi ng Katipunan. Napawalang sala siyá at nagtungo sa España para ayusin ang pagpapatawad sa kaniyang kapatid na si Antonio. Pumanaw siyá sa Hong Kong noong 7 Disyembre 1899 hábang pabalik na sana sa Filipinas. (RPB)

[cite]