Antonio Luna

(29 Oktubre 1866–5 Hunyo 1899)

Si Antonio Luna (An·tón·yo Lú·na) ang Filipinong heneral na namunò sa hukbong sandatahan ng Himagsikang Filipino at pangalawang kalihim ng digma sa Republikang Malolos. Kinikilala siya bilang pinakamahusay na Filipinong heneral sa kaniyang panahon. Siyá rin ang nagtatag ng unang akademya militar ng bansa. Kapatid niya ang pintor na si Juan Luna.

Isinilang siyá noong 29 Oktubre 1866 sa Urbiztondo, Binondo, Maynila, at bunso sa pitong anak nina Joaquin Luna de San Pedro at Laureana Novicio-Ancheta.Nakamit niya ang batsilyer ng artes sa Ateneo Municipal de Manila at nag-aral ng panitikan at kemistri sa Unibersidad ng Santo Tomas. Nag-aral siyá sa España ng parmasyutika. Hinangaan siyá ng mga Europeo sa kada- lubhasaan sa mga sakit sa tropiko gaya ng dilaw na lagnat. Bilang isa sa mga Filipinong na- glunsad ng Kilusang Propaganda, sumulat siya mga sanaysay at kuwento sa La Solidaridad sa ilalim ng sagisag na “Taga-ilog.”

Nagbalik siyá sa Filipinas at tahimik na namuhay bilang parmasyutiko. Dinakip siyá noong 19 Agosto 1896 at ipinatapon sa España dahil napaghinalaang tagapagtaguyod ng Katipunan. Habang nása ibang bayan, pinag-aralan niya ang sining ng pakikidigma sa Belgium. Muli siyáng nagbalik sa Filipinas nang Digmaang Filipino-Americano at hinirang ni Heneral Emilio Aguinaldo bilang heneral Itinatag din niya ang diyaryong La Independencia. Disiplina ang pangunahing itinuro niya sa hukbong Filipino. Itinatag niya sa Malolos ang Academia Militar, ang binhi ng kasalukuyang Philippine Military Academy. Pinarusahan niya ang bawat sumuway sa batas militar. Dahil sa kaniyang kapusukan, kahigpitan, at tagumpay sa mga labanan ay marami ang nainggit sa kaniya.

Noong 5 Hunyo 1899, nagpunta siyá sa Cabanatuan, Nueva Ecija dahil sa mensaheng ipinatawag siyá ni Aguinaldo. Pinaslang siyá ng mga sundalo sa pamu-munò ni Kapitan Pedro Janolino na minsang sumuway sa utos niya at inirekomendang alisin sa hukbo. Sa kaniyang kamatayan, tuluyang huminà at dumanas ng sunod-sunod na pagkatalo ang hukbong Filipino. Isang pinunòng Americano si Heneral Hughes ang nagsabing “Isa lámang ang heneral ng mga Filipino, at siyá’y pinaslang nilá.” (PKJ)

Cite this article as: Luna, Antonio. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/luna-antonio/