lúmot

Species,  algae, medicinal plants, alternative medicine, fisheries

Ang lúmot ay pangkalahatang tawag sa alga, liken, at moss. Sa taksonomiya, ang nabanggit na mga organismo ay nabibilang sa domain na Eukaria at kung iuuri gamit ang sistema ng anim na kingdom, nabibilang ang alga sa Protista, ang liken sa Fungi, at ang moss sa Plantae.

Ang alga ay malaking grupo ng mga organismong simple, eukaryotiko, at awtotropa na nása anyong isahang-selula at multiselula. Mayroon itong estratehiyang reproduktibo mula sa simpleng aseksuwal na dibisyon ng selula hanggang sa masalimuot na reproduksiyong seksuwal. Wala itong estrukturang panghalamang tulad ng phyllids, rhizoids, at ugat, at dahon. Ngunit nagtataglay ito ng makinaryang potosentetiko kung kayâ naglalabas ng oksiheno. Mayroon itong ug-nayang simbiyotiko sa ilang mga organismo. Sa relasyong ito, ang alga ang nagbibigay ng mga sustansiyang organiko habang ang organismo ang nagbibigay ng proteksiyon dito. Halimbawa nitó ang mga liken, ságay, at espongha. Pinaniniwalaang maaaring mapagkuhanan ng enerhiya ang ilang uri ng alga at pangontrol ng polusyon sa tubig habang ginagamit naman ang ilan bilang pataba sa lupa. Ang mga nakakaing alga ay nagtataglay ng bitamina A, B1, B2, B6, C, at niacin at mayaman sa iodine, potassium, iron, magne-sium, at calcium.

Ang mga liken ay karaniwang mayroong ugnayang simbiyotiko sa panig ng isang mycobiont (kadalasang fungus) at photobiont (kadalasang organismong potosentetiko tulad ng alga o cyanobacterium). Káya nitóng mabuhay sa mga mapanganib na kaligirang tulad ng tundrang arktiko, disyerto, at malasong slag heaps. Matatagpuan din ito sa mga dahon, sanga, at bato sa kagubatan at kakahuyan. Mayroon itong iba’t ibang anyo, gaya ng pagkakahawig sa dahon, pagsisilbing bálot ng rabaw ng mga organismo, malapalumpong, at malahelatina. Naapektuhan ng uri ng photobiont na kasama nitó ang hugis ng isang liken sa prosesong tinatawag na morpogenesis. Ginagamit itong pangontrol sa polusyon sa hangin, paggawa ng pangkulay, pabango, at gamot.

Ang moss ay nabibilang sa dibisyong Bryophyta at isang halamang hindi nagtataglay ng xylem na nagsisilbing daluyan ng tubig sa katawan nitó. Ito ay maliit, maladamong halaman na ginagamit ang dahon upang kumuha ng tubig, ilaw, at nutrisyon. Dumarami ito sa pamamagi-tan ng spore at walang buto at bulaklak. Ang nibel ng halumigmig sa paligid at ng sinag ng araw ay nakaaapekto sa uri ng moss na mabubuhay dito. Inuuri ang mga ito batay sa lugar na pinagsibulan, tulad ng bato, iba’t ibang lupa, halaman, at iba pa.

Ilan sa mga karaniwang alga sa Filipinas ay ang alga (Gracilaria lichinoides) na maaaring kainin ng tao, karaniwang nakikita sa mabato, at mabuhanging bahagi ng pampang; manipis at lungtiang alga (Gracilaria confervoides) na inilalahok sa ibang gulay, at ginagamit sa pag-gawa ng agar-agar; at alga (Enteromorpha intestinalis) na pagkain ng bangus. Ang lumot kahoy (Usnea philippina) na matatagpuan sa katawan ng punòng niyog at pino ay isang malapalumpong na liken na ginagawang tsaa o gi-nagamit na gamot sa sugat, lagnat, ubo, kulugo, bulate, at sakit sa tiyan. (KLL)

 

 

Cite this article as: lúmot. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/lumot/