Bienvenido L. Lumbera

(11 Abril 1932—)

Itinanghal si Bienvenido L. Lumbera (Bi·yén·ve·ní·do El Lum·bé·ra) bilang Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan noong 2006. Makata libretista,iskolar, makabayan. Kinilala ang ambag ni Lumbera sa pagpupunyagi niyang matuklasan ng mamamayang Filipinong ang kanilang identidad pangkultura, gayundin, ang pag-uugnay niya ng kaniyang sining sa bayan.

Bilang makata, nakilala si Lumbera sa isang labas ng Heights noong 1965 na may mga tulang pinamagatang Bagay. Kasama ang kaibigan at kapuwa Pambansang Alagad ng Sining na si Rolando S. Tinio at mga estudyanteng sina Jose F. Lacaba, Antonio E. Samson, at Edgar C. Alegre, at paring Heswita na si Edmundo Martinez, nagpamalas ang kanilang mga tula ng Modernistang paraan laban sa labis na pangangaral at sentimentalismo na umiiral sa pagtulang Tagalog.

Bilang libretista, itinatanghal ni Lumbera sa kaniyang mga dula ang katutubong sining at pagpapahalaga sa kasaysayan at kultura ng bansa at isinasakongkreto sa manonood ang kaniyang mithiing demokratiko para sa Filipinas, gaya sa musikal na Tales of the Manuvu at Rama Hari, pagsasatanghalan ng Noli Me Tangere, America is in the Heart, at Banaag at Sikat, at sarsuwelang  Hibik at Himagsik.

Si Lumbera ay isa ring mahusay at masugid na tagasubaybay at tagapagsalaysay ng pag-unlad ng panitikan, wika, at kulturang Filipino. Produkto nito ang mga aklat na Philippine Literature: A History and Anthology, Revaluation: Essays on Philippine Literature, Cinema and Popular Culture, Abot-Tanaw: Sulyap at Suri sa Nagbabagong Kultura at Lipunan, Paano Magbasa ng Panitikang Filipino?, at Writing the Nation, Pag-akda ng Bansa. Aktibo rin siyang kasapi sa mga kapisanang politikal mula noong maging tagapangulo siya ng Panulat para sa Kaunlaran ng Sambayanan (PAKSA) hanggang sa Concerned Artists of the Philippines (CAP). Kabilang sa mga karangalan niya ang Gawad CCP para sa Sining (Panitikan) noong 1991, Ramon Magsaysay Awards for Journalism, Literature and Creative Communication Arts noong 1993, at Gawad Tanglaw ng Lahi ng Ateneo De Manila University noong 2000.

Isinilang si Lumbera noong 11 Abril 1932 sa Lipa City, Batangas kina Timoteo at Carmen Lumbera. May apat na anak siya sa asawang si Cynthia Nograles. Nagtapos siya bilang cum laude sa kursong Batsilyer sa Literatura, major sa Journalism sa Unibersidad ng Santo Tomas noong 1954. Nakamit niya ang digring masteral at doktoral sa Comparative Literature sa Indiana University sa Estados Unidos. (RVR)

Cite this article as: Lumbera, Bienvenido L.. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/lumbera-bienvenido-l/