luklák

Fauna, birds

Ang luklák (Pycnonotus goiavier) ay isang uri ng ibong laganap at kasalukuyang pinaparami sa Timog-Silangang bahagi ng Asia. Ito ay ibong guhitan, may batik na putî sa itaas na bahagi ng mata at karaniwang makikita sa mga halamanan o hardin. Ang mga luklak ay hindi gaanong takot sa tao kung kayâ karaniwang nakikita sa paligid.

Kinakain nitó ang maliliit na bunga, katas ng bulaklak, talbos, at ilang maliliit na insekto. Mahilig din itong humuli ng mga kulisap na maliliit at hinahanap ang mga ito sa balát ng mga punongkahoy. Minsan, nakakahuli din ang luklak ng mga kulisap na lumumipad. “Kulkulkul”, “Pi-ruk pi-ruk pi-ruk” o “Luklakluk-lak” ang karaniwang huni nitó.

Hugis tasa ang paggawa ng luklak ng pugad sa mga punongkahoy o kayâ sa mga palumpong na hindi hihigit sa tatlong metro ang taas. Yari sa damo, dahon, ugat at sangang maliliit ang pugad. Dalawa hanggang apat na itlog ang makikita sa pugad. Nangingitlog ang luklak sa mga buwan ng Marso hanggang Mayo. (ACAL)

 

 

Cite this article as: luklák. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/luklak/