Iluminado Lucente

(sk 1883-14 Pebrero 1960)

Pangunahing makata at mandudulà sa Leytenhon-Samarnon si Iluminado Lucente (I·lu·mi·ná·do Lu·sén·te). Bukod sa pagsusulat, naging masidhi rin si Lucente sa pagsusúlong ng wikang Waray. Nagsilbi rin siyáng alkalde ng Tacloban at kilalá sa palayaw na Dadoy.

Lahat ng dulang naisulat ni Lucente ay itinanghal dahil hinihiling ng mga kababayan niya tuwing may okasyon, gaya ng pista o may ikakasal. Ngunit napalilitaw niya sa mga dulà ang damdaming makabayan. Halimbawa sa Up Limit Pati Gugma (Pati ang Pag-ibig Hindi Pwede Puntahan) ay ginamit si Buranday upang ipakita ang pagkamuhi ng manunulat sa mga nahuhumaling sa wikang Ingles, sa pagbása ng mga tulang Ingles at sa pagkanta ngmga kantang Ingles. Bukod kay Buranday, ipinakita rin ni Lucente sa sarsuwelang An Mapait nga Pinaskuhan (Mapait na Kapaskuhan) ang pagkahumaling ni Nati ang pangunahing tauhan sa dula, sa mga damit mula sa America at ang paghamak sa barong tagalog at baro’t saya. May dula rin si Lucente na tumutukoy sa pang-araw-araw na pamumuhay ng mga Filipino, ang Anak Han Luha (Anak ng Luha) at Diri Daraga, Diri Balo, Diri  Inasaw-an (Hindi Dalaga, Hindi Balo, Hindi  Nakapag-asawa).

Nakatanghal din ang mga naturang paksain at paninindigan sa kaniyang mga tula. Tinipon niya ang mga ito sa Pinulongan Han Kasingkasing (Ang Wika ng Puso) na nailathala noong 1929. Ilan sa mga ito ang nalapatan ng musika sa tulong ni Silvestre Jaro at Peligrin Rubillos. Ma- husay siyá sa paggamit ng tradisyonal na tugma at súkat. Kaugnay nitó ang kaniyang aktibong pagkilos sa Sanghiran sang Binisaya, ang pangunahing organisasyon para sa paglinang sa wikang Waray. Naging patnugot din si Lucente ng An Kaadlawon, ang kauna-unahang diyaryo sa wikang Waray noong panahon ng Americano.

Ipinanganak si Iluminado Lucente sa Palo, Leyte at anak nina Ciriaco Lucente at Aurora Garcia. Nag-aral siyá sa Colegio de San Jose bago lumipat sa Liceo de Manila at nagtapos ng komersiyo sa Colegio Mercantil (National University ngayon) sa Maynila. Nang bumalik siyá sa Leyte, nagsilbi siyáng kalihim ng alkalde bago nahalal na alkalde noong 1912 at kalaunan ay naging kinatawan sa Camara de Representante. Namatay siyá noong 14 Pebrero 1960. (SJ)

Cite this article as: Lucente, Iluminado. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/lucente-iluminado/