Jose Honorato Lozano
(1821–1885)
Pangunahing manlilikha ng dibuhong tinatawag na letras y figuras noong siglo 19 si Jose Honorato Lozano (Ho·sé O·no·rá·to Lo·zá·no). Nagpipinta din siyá ng tanawin o paysahe at gumagamit ng watercolor sa paglikha. Ngunit higit siyáng may talento sa paggawa ng letras y figuras at bihasa niyang naiguhit kasáma ng mga titik ang anyo ng tao na nása akto ng pang-araw-araw na gawain. Bukod sa halagang pansining, itinuturing din ang mga likha ni Lozano bilang dokumentasyon ng buhay sa Maynila sa pagtatapos ng panahon ng Español.
Nang batà pa, nagamit ni Lozano ang teleskopyo ng Malacañang para obserbahan ang kaligiran ng Maynila. Napakinabangan niya ito sa kaniyang pagpinta at pagguhit.
Hinangaan ang kaniyang kakayahan na maipinta ang kaliit-liitang detalye ng kasuotan ng kaniyang táong pinapaksa gayong napakaliit lámang ng espasyong pinipintahan. Halimbawa, sa obrang F-r-a-n-c-i-s-c-o G-a-r-c-i-a O-r-t-i-z ay nagawa niyang maiguhit ang mga titik na “Francisco” hábang itinatanghal ang eksena ng Look ng Maynila at ang barkong nakadaong doon.Sa “Garcia,” naipakita niya ang tagpo sa Ilog Pasig sa paligid ng Puente de España (ngayo’y Jones Bridge). Sa “Ortiz,” nagawa niyang ipinta ang kaligiran ng Intramuros pati ang mismong Katedral ng Maynila. (RPB)