Honorio Lopez
(30 Disyembre 1875–3 Hulyo 1958)
Si Honorio Lopez ay awtor at mananaysay na kumatha ng tanyag na Dimasalang Kalendariong Tagalog, ang pinakaunang almanake sa Tagalog na inilathala ng isang Filipino noong 1922. Nagsulat din siyá ng ilang aklat ng tulang pasalaysay tungkol sa buhay ng mga pambansang bayani, tulad ng Ang Tunay na Buhay ni P. Dr. José Burgos, sa pamamagitan ng kaniyang Limbagang Magiting.
Kasáma sina Mariano Sequera at J. Abad, itinatag ni Lopez ang La Juventud Filipina, na isa sa mga pangunahing layunin ang pagpapahinà sa pagtatanghal ng mga tinawag na moro-moro. Nagsulat din si Lopez ng dulang tulad ng Lakandula. Noong 1912, ginampanan ni Lopez ang papel na Jose Rizal sa pelikulang La Vida de Rizal, ang kauna-unahang pelikulang ginawa sa Filipinas. Una itong ipinalabas sa Teatro Zorilla sa Maynila noong 24 Agosto 1912.
Naglingkod din si Lopez bilang sundalo sa Hukbong Filipino noong Himagsikan, at paglaon ay bilang Konsehal ng Maynila. Sa mga patalastas ni Lopez sa kaniyang mga aklat, madalas na itinatanghal niya ang sarili na “mura siyáng maningil” para sa pangangasiwa ng paggawa ng padaluyan ng tubig sa mga bukirin, bahay at tulay,at sa pagkilala ng lupa upang ikuha ng titulo. (ECS)