lóok
geology, water, bay
Ang lóok ay isang malaking lawas ng tubigan na konektado sa isang karagatan o dagat na nabuo sa pamamagitan ng isang maliit na isla dahil sa nakapaligid na lupang humahadlang sa mga alon at nagpapahinà sa dagsa ng simoy. Tinatawag itong bay (bey) sa Ingles at bahia (ba·í·ya)
sa Español. Kung malaki ang lóok, tinatawag itong “golpo,” gaya ng “Golpong Lingayen” sa Pangasinan at “Golpong Ragay” sa Camarines Norte. Mahalaga ang lóok sa kasaysayan ng pamayanang tao sapagkat nagbibigay ito ng ligtas na lugar para sa pangin-gisda. Pagsúlon ng kabihasnan, makabuluhan ang mga look sa kalakalang pandagat dahil nagdudu-lot ng ligtas at maayos na daungan ng barko at malalaking sasakyang-dagat. Ayon sa siyensiya, ang mga lóok ay nabuo dahil sa pagguho at paggalaw ng mga gulod ng mga kontinente.
Ang “Lóok Maynila” ay ang pinakakilaláng lóok sa Filipinas. Itinuturing din itong isa sa mga pinakamahusay na likás na daungan ng mga sasakyang-dagat sa buong mundo. Naging pook ito ng dalawang makasaysayang labanan. Ang itinuturing na unang Labanang Lóok Maynila ay naganap nang dumating si Martin de Goiti noong 1570 at tumutol si Raha Sulayman (o Soliman) na magbayad ng tributo sa mga Español. Walang tunay na engkuwentro ang mga taga-Maynila at mga Español, ngunit ipinasúnog ni Sulayman ang pamayanan at lumíkas kaysa pailalim sa mga mananakop. Nagkaroon ng totoong labanan nang bumalik ang mga Español noong 1571, sa pangunguna ni Miguel Lopez de Legazpi, at may layuning gamitin ang Maynila na sentro ng operasyon sa kapuluan. Sa pagkakataóng ito, nagkaroon ng labanan ngunit higit na tinatawag ngayong “Labanang Bangkusay.” Natalo ang hukbo ni Sulayman, ipinasúnog niya ang kuta sa bunganga ng Ilog Pasig, at mula dito itinayô ang Intramuros. Ang ikalawa at totoong “Labanang Lóok Maynila” ay naganap noong 1 Mayo 1998 nang pasukin ng hukbong-dagat na Americano sa ilalim ni Admiral George Dewey ang lóok at harapin ito ng mahinàng hukbong Español sa ilalim ni Almirante Patricio Montojo.
Isa pang magandang lóok ang “Lóok Subic” sa Zambales. Pinagtayuan ito ng isang malaking baseng naval ng mga Americano. Nang iwan ito ng mga Americano, ang base ay ginawang sonang pangkalakalan at isa rin ngayong pasyalang panturista. (VSA)