Lóok Misíbis

geology, water, tourism, tourist destinations

Ang Lóok Misíbis (higit na popular sa Ingles na Misibis Bay) ay isang pribadong pook-bakasyunan sa timog ng isla ng Cagragay, bayan ng Bacacay, sa silangang bahagi ng lalawigan ng Albay, rehiyong Bikol. Dahil na rin sa marikit at tagô nitóng lokasyon, at mataas na antas ng mga pasilidad at serbisyo, naging maugong nitóng mga nakaraang taon ang Misibis Bay para sa mga turista, lalosa mga mariwasa. Natampok pa ito sa sarili at kapangalang telenovela. Makikita sa Misibis Bay ang isang beach, resort, casino, at mga restoran, at maaari ding lumahok sa mga gawaing watersport tulad ng snorkeling, scuba diving, wind surfing, kayaking, jetskiing, at wakeboarding.

May lawak na limang ektarya, mararating ang Misibis Bay sa pamamagitan ng kotse, helikopter, o mabilis na sasakyang dagat mula sa Lungsod Legazpi. Bukod sa Misibis Bay, matatagpuan din sa bayan ng Bacacay ang iba pang magagandang baybayin, yungib, at pulo, tulad ng isla ng Pinamuntugan. (PKJ)

 

 

 

 

Cite this article as: Lóok Misíbis. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/look-misibis/