Lóok Maynilà

Tags: geology, water, Manila Bay

Maganda at kilalang look na nakaharap sa kanluran ng Lungsod Maynila ang Lóok Maynilà. Isa ito sa mga kinikilalang natural na kanlungan ng mga sasakyang-dagat sa Timog-silangang Asia. Bahagi ito ng Dagat Hilagang Filipinas at halos naliligid ng mga baybaying pook sa Cavite, Kalakhang Maynila, Bulacan, at Bataan sa timog-kanluran ng Luzon. May lawak itong 1,994 kilometro kuwadrado at paikit na sukat na 190 kilometro. Isa ito sa may pinakamahusay na daungan sa daigdig. Maraming maliliit na pulo sa palibot nito at dalawa sa mga pulong ito ang naghahati sa look, ang pulo ng Corregidor at ng Caballo. Ang 17 kilometrong bukana ay nahahati sa dalawang lagusan, ang lagusang timog na bihirang gamitin at ang lagusang hilaga sa pagitan ng Bataan at pulo ng Corregidor na ginagamit noon pa ng mga sasakyang-dagat.

Paboritong pasyalan sa baybayin nitó ang Rizal Park at Roxas Boulevard sa Kalakhang Maynila. Mula rito, pinanonood ng marami ang napakagandang tanawin kapag papalubog na ang araw. Ang tanawing ito kung dapithapon ay hinahangaan sa buong mundo. Ang tubig mula sa Lawang Laguna na umaagos sa Ilog Pasig ay lumalabas patungo dito. May maunlad nang kalakalan sa paligid ng look bago pa dumating ang mga Español.

Pagkaraang durugin ang kuta ni Soliman sa matandang Maynila ay itinayô ng mga Español ang Intramuros—ang siyudad sa loob ng moog—laban sa anumang pananalakay mula sa look. Nilagyan din ng mga bantayan sa Corregidor at Cavite. Noong 1574, pumasok sa look ang puwersang Chino sa pamumunò ni Limahong. Sa mga taóng 1593-1815, ang look ay isang himpilan ng Kalaka-lang Galeon. Noong Mayo 1, 1898, pinasok naman ito ng mga bapor pandigma ng mga Americano sa pamumunò ni Admiral George Dewey, kaugnay ng Digmaang Español-Americano, at dito naganap ang tinaguriang Labanang Look Maynila. Noong 1942, naging lunsaran din ang look ng mga Japanese sa pagkubkob sa pulo ng Corregidor. Maraming lumubog na sasakyang-dagat dito sanhi ng pagbobomba noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sa kasalukuyan, ang look ay nananatiling isang mahalagang lugar pangkalakalan, lalo na para sa industriya ng pangin-gisda, transportasyon, at turismo. (AMP)

 

 

 

 

Cite this article as: Lóok Maynilà. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/look-maynila/