Josefa Llanes Escoda

(20 Setyembre 1898–6 Enero 1945)

Si Josefa Llanes Escoda (Ho·sé·fa Lyá·nes) ay isang tagapagtaguyod ng mga karapatang pangkababaihan sa Filipinas, tulad ng karapatang panghalalan, at tagapagtatag ng Girl Scouts of the Philippines.

Ipinanganak si Escoda noong 20 Setyembre 1898 sa Dingras, Ilocos Norte. Siyá ang pinaka- matanda sa pitóng anak nina Mercedes Madamba at Gabriel Llanes. Nag-aral siyá sa Paaralang Normal ng Filipinas sa Maynila upang makamtan ang kaniyang digri sa pagtuturo, at nagtapos nang may mga karangalan noong 1919. Habang naghahanapbuhay bilang isang guro, nagkamit siyá ng katibayan sa pagkaguro sa mataas na paaralan mula sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1922. Pagkaraan, naglingkod siyá sa American Red Cross. Binigyan siyá nitó ng iskolarsip sa Estados Unidos at nagtapos doon ng masterado sa sosyolohiya. Sa unang paglalakbay niya sa Estados Unidos, habang nása Women’s International League for Peace noong 1925, nakatagpo niya si Antonio Escoda, isang reporter mula sa Philippine Press Bureau na pinakasalan niya sa paglaon. Nagkaroon silá ng dalawang mga anak,sina Maria Theresa at Antonio. Noong 1925 din, nakatanggap  siyá ng masterado mula sa University of Columbia.

Nagbalik si Escoda sa Estados Unidos noong 1933 upang sumailalim sa pagsasanay kaugnay ng Girl Scouts ng Estados Unidos. Pagkaraan nitó, bumalik siyá sa Filipinas upang sanayin ang mga kabataang babae at upang maging isa sa mga pinunò sa pagtatatag ng Girl Scouts of the Phil- ippines na nilagdaan noong 26 Mayo 1940 ni Pangulong Manuel L. Quezon.

Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nilusob ng mga puwersang Japanese ang Filipinas. Hinuli ang asawa ni Escoda noong Hunyo 1944, at inaresto rin siyá pagkaraan ng dalawang buwan,noong Agosto 27. Ibinilanggo siyá sa Karsel 16 ng Fort Santiago, sa kulungang pinagkabilangguan din ng kanyang asawa na sumailalim sa parusang kamatayan noong 1944. Hulíng nakita si Josefa Escoda noong 6 Enero 1945 Pagdaka, kinuha siyá at ikinulong sa isa sa mga gusali ng Far Eastern University. Pinaniniwalaang pinarusahan siyá ng kamatayan ng mga Hapones at inilibing sa Libingan ng La Loma, na ginamit ng mga puwersang Japanese bilang isang bitayan at libingan para sa libo-libong Filipino na lumaban sa pananatili ng mga Japanese sa Filipinas. (ECS)

Cite this article as: Llanes Escoda, Josefa. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/llanes-escoda-josefa/