Mariano Llanera

(9 Nobyembre 1855 – 19 Setyembre 1942)

Matapang na lider ng Himagsikang Filipino, si Mariano Llanera (Mar·yá·no Lya·né·ra) ay naging pinunò ng mga Katipunero sa Nueva Ecija at naglingkod na heneral sa ilalim ni Aguinaldo mulang Biyak-na-bato hanggang Digmaang Filipino-Americano. Naiiba ang kaniyang bandi- lang itim ang kulay at may nakahiyas na putîng bungo, magkakrus na buto, at titik na K. Ginugunita rin ang malikhaing taktika na ginamit niya sa paglusob sa garisong Español sa San Isidro, Nueva Ecija noong sumiklab ang Himagsikang 1896.

Isinilang siyá noong 9 Nobyembre 1855 sa Cabiao, Nueva Ecija kina Enrique Llanera at Juana Nu- ñez. Nakapag-aral siyá sa Colegio de San Juan de Letran ngunit walang natapos. Gayunman dalawang ulit siyáng naging capitan municipal Dahil isang Mason, inakusahan siyáng subersibo ng kura parokong Español at sinamsam ang kaniyang ari-arian. Sumapi siyá sa Katipunan at nakatipon ng 3,000 tauhan sa pagsalakay sa garison sa San Isidro noong 2 Setyembre 1896. Pumarada pa silá patungong kutang Español sa tugtog ng musikong bumbong. Babagsak na sana ang bayan pagkatapos ng tatlong araw na pananalakay ngunit dumating ang saklolong 200 sundalong armado ng riple. Bago tumakas nabaril pa niya ang kapitan ng mga guwardiya sibil.

Sinundan pa iyon ng kaniyang paglahok sa mga engkuwentro sa Bulacan, Tarlac, at Pampanga. Noong 1 Disyembre 1896, nagtagumpay siyá sa mga labanan sa Baling Kupang at Sibul, San Miguel, Bulacan. Para pasukuin siyá, hinúli ng mga Español ang kaniyang mga kababayan, wi- nasak ang kaniyang tahanan, at ipiniit ang kaniyang buntis na asawa. Nanganak sa Bilibid ang kaniyang ginang na si Salome Siao-Paco. Sa ikalawang yugto ng himagsikan, nag-organisa siyá ng pamahalaang militar sa Nueva Ecija. Pagsiklab ng Digmaang Filipino-Americano, naging kom- andante superyor siyá ng unang batalyon sa Nueva Ecija at idinestino sa Maynila ni Hen. Antonio Luna. Pagkatapos, siyá ang namahala sa tanggulan sa Gapan at Cabiao, Nueva Ecija.

Nahúli si Llanera ng mga Americano at ipinatapon sa Guam. Nakabalik siyá noong 26 Setyembre 1902. Muli siyáng nag-asawa kay Felisa Balajadia noong 1919, at namatay noong 19 Setyembre 1942.  (VDN)

Cite this article as: Llanera, Mariano. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/llanera-mariano/

Related Articles