Liwásang Bonifacio

Matatagpuan ang Liwásang Bonifacio (Bo·ni·fás·yo) sa Maynila, sa gitna ng mga gusali ng Post Office at ng Manila Metropolitan Theater. Malapit ito sa Ilog Pasig at sa Manila City Hall. Ginugunita ng dambana ang pambansang bayani at tagapagtatag at Supremo ng Katipunan si Gat Andres Bonifacio. Nakatayô sa liwasan ang isang tansong estatwa ni Bonifacio, at nása likod nitó ang isang puwente o fountain.

Noong panahon ng mga Americano, tinawag itong “Plaza Lawton” bilang paggunita kay Heneral Henry Ware Lawton, ang Americanong may pinakamataas na ranggo na napaslang noong Digmaang Filipino-Americano. Namatay si Lawton sa “Labanang Paye” malapit sa bayan ng San Mateo nang napuntirya ng isang Filipinong sharpshooter. Ipinangalan ang liwasan kay Bonifacio noong 1963, ang sentenyal ng kapanganakan ng Supremo. Patuloy pa ring ginagamit ang “Lawton” bilang pantukoy sa lugar. (PKJ)

Cite this article as: Liwasang Bonifacio. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/liwasang-bonifacio/

Related Articles