líryo

Flora, poisonous plants, ornamental plants

Ang líryo ay halamang nagmula sa genus Lilium na may malaki, hu-gis trumpetang bulaklak, at payat na tangkay. Nagmula ang pangalan nito sa Español na lirio at tinatawag din itong “líli” mula sa Ingles na lily. Ang pangalang siyentipiko ng pamilya ng mga halamang kinabibilangan ng líryo ay Liliaceae, na binubuo ng may 110 uri ng halaman. Tinatayang ang halamang ito’y naunang lumitaw may 58 milyong taon na ang nakararaan noong panahon ng Unang Paleogene.

Madalas na itinatanim ang líryo bilang halamang ornamental, o bilang pampaganda sa paligid, lalo pa dahil sa mga bulaklak nitó, na nakapalumpong nang tatluhan. Pahabâ ang mga dahon nitó na kadalasan ay may magkahanay na tambalang ugat bagaman maraming nagsasapot na mas maliliit na ugat. Madaling tumubò’t mabúhay ang líryo sa mga lugar na madalas na naaarawan.

Nakalalason ang marami sa mga líryo kapag di sinasadyang nakain. Madalas na nagdudulot ito ng sakit sa rinyon, lalo pa sa mga pusa. (ECS)

 

 

 

 

 

Cite this article as: líryo. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/liryo/