Warning: Use of undefined constant setting - assumed 'setting' (this will throw an Error in a future version of PHP) in /home/hqe0tu85kswo/public_html/wp-content/plugins/cite/cite.php on line 105

lingá

flora, plants, cooking ingredients, sesame

Ang lingá (Sesamum indicum) ay isang namumulaklak na halaman sa genus Sesamum. Higit itong kilalá sa buong mundo bilang sesame at maraming uring ilahas sa Africa at India. Sinimulan itong itanim para sa kinakaing buto nitó na nása loob ng bungang tila kaluban (pod). Napakataas ng langis ng linga. Dahil sa lasa nitó ay paborito itong sahog sa mga putahe sa buong mundo. Umani ng 3.84 metriko toneladang buto ng linga noong 2010 at pinakamalaking prodyuser ang Myanmar. Pinakamalaking exporter ng buto ang India, at pinakamalaking importer naman ang Japan. Sangkatlo ng aning buto ng Mexico ang napupunta sa Estados Unidos para sa sesame seed bun ng McDonald’s.

Kabilang sa mga tanim na gulay sa kantang “Bahay Kubo” ang lingá. Pinakapopular namang pagkaing may lingá ang “bútse.” May lumpiya sa Laos, Vietnam, at Thailand na binudburan ng itim na buto ng sesame. Malimit ding isahog ang lingá sa mga kendi at keyk. May kraker, malimit sa anyong patpat, ang hitik sa lingá. Sa kuwento ni Ali Baba, may yungib ng kayamanan na bumubukás lámang ang pinto kapag binigkas ang “Open Sesame.” Walang nakakaalam kung bakit at kung saan nanggáling ang naturang mahiwagang pangungusap. (VSA)

 

 

 

 

 

Cite this article as: lingá. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/linga/