Limasáwa

Isang maliit na pulô ang Limasáwa na sákop ngayon ng lalawigan ng Leyte at mahalaga sa kasaysayan dahil dito nagpunta si Fernando Magallanes pagkaraang unang dumaong at mamahinga sa “Homonhón” noong Marso 1521. Dalawang mahalagang pangyayari ang naganap sa Limasawa. Una, ang pakikipagsandugo ni Magallanes sa pinunò ng isla na si Raha Kulambu. Ito ang unang sandugo ng isang Filipino at ng isang Español. Ikalawa, ang tinatawag na “Unang Misa sa Filipinas” noong Linggo ng Pagkabuhay, 31 Marso 1521. Isinagawa ang misa ni Fray Pedro de Valderrama sa baybayin ng isla. Pagkatapos iniutos ni Magallanes ang pagtitirik ng isang malaking krus sa ituktok ng isang buról na nakaharap sa dagat.

Isang matagal na kontrobersiya kung saan naganap ang Unang Misa. Sa mga talâ ni Antonio Pigafetta, isinulat niyang “Mazaua” ang pangalan ng pulô. Iginiit ng ilang mananaysay na ito rin ang “Masagua” na binanggit sa ekspedisyon ni Miguel Lopez de Legazpi sa Butuan. Gayunman,   pagkatapos ng pagsusuri sa mga lumang mapa at dokumento, isang monograp ni Fr. Miguel Bernad noong 1981 ang naglinaw na isang pagkakamali ang tradisyong Butuan at ang Limasawa ang tunay na tinutukoy ni Pigafetta na “Mazaua.” Pinagtibay ito ng pag-aaral ni William Henry Scott noong 1982 kung paano nagsimula ang pagkakamaling sa Butuan naganap ang Unang Misa. (VSA)

Cite this article as: Limasawa. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/limasawa/