Clara Lim-Sylianco
(18 Agosto 1925—)
Malaki ang naging kontribusyon ni Clara Lim-Sylianco (Klá·ra Lim-Sil·yán·ko) sa pagpapaunlad ng pag-aaral ng organikong kimika at biyokimika sa Filipinas. Siyá ang kauna-unahang Filipino na nagsagawa ng masusing pag-aaral hinggil sa mutagens, anti-mutagens, at mga mekanismong biyoorganiko. Noong 29 Setyembre 1994, iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Agham.
Binigyang diin ni Sylianco ang kahalagahan ng modernong pagtuturo ng organikong kimika sa mga paaralan. Nais niyang bakahin ang nakasanayang paraan na simpleng pagsasaulo ng mga konsepto, pormula, at estruktura ng mga kemikal. Nais niyang linangin ang kritikal na pag-aaral. Mahalaga din sa kaniya ang saliksik. Sinuri niya ang natural na katangian ng mga halamang gamot sa Filipinas at paano magagamit ang mga ito laban sa mutagens. Ang kaniyang laboratoryo sa Departamento ng Kemistri sa UP ay kinilála bilang International Training Center for the Detection of Mutagens na iginawad ng Research Planning in Biological Sciences na nakahimpil sa Washington DC, USA.
Kilalá din si Sylianco sa kaniyang libro. Siyá ang may-akda ng Principles of Organic Chemistry na ginagamit ngayong batayang aklat sa mga kolehiyo at unibersidad. Sinulat rin niya ang mga librong Modern Biochemistry, Structure and Functions of Bio-molecules, Biochemical Mechanisms, Genetic Toxicology, Molecular Nutrition, Molecular Bio-chemistry, at Bioorganic and Bio-inorganic Mechanisms.
Isinilang si Sylianco noong 18 Agosto 1925 sa Guihulngan, Negros Oriental. Natapos niya ang Batsilyer sa Agham ng Kemistri sa Siliman University. Tinapos niya ang masterado sa Kemistri sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1953 at nagpatuloy ng mataas na pag-aaral sa University of Iowa bilang Fulbright scholar. Natapos niya ang doktorado sa biyokimika at organikong kimika noong 1957. Matapos mag-aral, nagbalik siyá sa UP upang ipagpatuloy ang pag-tuturo. Iginawad sa kaniya ng UP ang titulong University Professor noong 1990. Ito ang pinakamataas na antas na maaaring makamit ng isang guro sa pamantasan. (SMP)