letsúgas
vegetable, Flora, lettuce
Ang letsúgas (Lactuca sativa), mula sa Español na lechugas, ay madahong gulay at pangunahing inaalagaan para sa malalapad na dahon nitó. Pinaniniwalaang una itong itinanim ng mga Egyptian dahil sa buto na kinukunan ng langis. Lumaganap ito pagkuwan sa Greece at Rome, na tumawag ditong “lactuca” at pinanggalin-gan ng Ingles na lettuce. Maraming lumitaw na varayti sa Europa noong ika-16 hanggang ika-18 siglo. Sa Europa at America lámang noon ang maraming kumakain ng letsugas ngunit laganap na ngayon sa buong mundo. Ipinasok ito sa Filipinas bago matapos ang panahon ng kolonyalismong Español. Nitóng 2010, umaabot sa 20,000 metriko tonelada ang produksiyon ng letsugas at mahigit kalahati nitó ang mulang China.
Ang letsúgas ay mayaman sa bitamina A at potasyum. Karaniwang ginagamit itong ensalada ngunit ipinalalaman din sa sandwits at ipinambabalot ng karne. Madalî itong itanim ngunit madalî ring masira pagkaani kayâ malimit na itinitinda sa mga pook na malapit na pinanggalingang taniman. Noong araw, pinaniniwalaan din itong lihim na kuhanan ng lakas sa pakikipagtalik. (VSA)