Cesar T. Legaspi
(2 Abril 1917–7 Abril 1994)
Itinanghal na Pambansang Alagad ng Sining sa Pintura si Cesar T. Legaspi (Sé·sar ti Le·gás·pi) noong 1990. Bahagi siya ng “Thirteen Moderns” na nagtaguyod ng sining na moderno ang estilo ngunit nagtampok ng mga paksang sumasalamin sa lipunang Filipino.
Kasama sina Manansala, HR Ocampo, Romeo Tabuena, Victor Oteyza, at Ramon Estela, si Legaspi ay isa rin sa tinaguriang mga neo-realist. Bahagi sila ng pagbabago sa sining na nagtaguyod sa sariling pagkakakilanlan matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa Filipinas. Hábang nagpapakita ng impluwensiya ng kubismo ang mga likhang Legaspi, ipinamalas niya rin kung paanong ang kubismo na isang estilong Kanluranin ay nabago upang umangkop sa Filipinong kaugalian at dalumat. Sa halip na maging isang abstraksiyon na lamang dahil sa paghahati-hati ng mga bahagi, ang kubismo ni Legaspi ay nagpanatili ng pigura sa pamamagitan ng paghahati sa mga aspekto nito sa isang mas malaking pantay na rabaw at pagsasalansan ng mga ito na animo’y isang ritmo ng pagsasanib ng kulay, liwanag at anino, gaya ng makikita sa Stairway; Man and Woman (pinamagatan ding The Beggars, 1945); at Gadgets (1947).
Ang unang solong ekshibisyon ni Legaspi ay noong 1963 sa Luz Gallery. Nagkaroon naman siya ng retrospective show sa Museum of Philippine Art noong 1978 at ng tatlong-bahaging eksibisiyon kabilang ang seryeng Jeepney. Bukod sa maraming gantimpala bilang pintor, tumanggap din si Legaspi ng Patnubay ng Sining at Kalinangan mula sa Lungsod Maynila noong 1972 at Gawad CCP para sa Sining noong 1990.
Isinilang si Legaspi noong 2 Abril 1917 sa Tondo, Maynila kina Manuel Legaspi at Rosario Torrente. Ikinasal siya kay Vitaliana Kaligadan at nagkaroon sila ng limang anak kabílang na ang kilalang mang-aawit at tagapagtaguyod ng orihinal na musikang Filipino na si Celeste Legaspi. Nagtapos siya sa School of Fine Arts ng Unibersidad ng Pilipinas noong 1936. Nagpatuloy siya sa kaniyang pag-aaral sa sining sa Cultura Hispanica sa Madrid at sa Academie Ranson sa Paris, France. Namatay siya noong 7 Abril 1994. (RVR)