Leandro V. Locsin
(15 Agosto 1928–15 Nobyembre 1994)
National Artist for Architecture
Bukod sa isang mahusay at modernistang arkitekto, si Leandro V. Locsin (Le·yán·dro Vi Lok·sín) ay isang musiko, kolektor, at patron ng sining, mag-aaral ng kasaysayan, tagadisenyo ng set para sa drama, opera at ballet, kilalang eksperto sa pottery na Chino at pilantropo. Ang kaniyang mga arkitektura, gusali man, tahanan, o iba pa ay nagpa-pakita ng pagtatagpo ng damdamin, imahen, at karakter ng iba’t ibang larang ng sining na naging bahagi ng kani-yang karera at buhay. Ipinagkaloob sa kaniya ang Pam-bansang Alagad ng Sining sa Arkitektura noong 1990.
Ang Chapel of the Holy Sacrifice sa UP Diliman na ikino-misyon ni Padre John Delaney, SJ noong 1954 ang unang obra ni Locsin. Ang simpleng disenyo nitó ay sumasala-min sa arkitektura ni Locsin–maaliwalas dahil sa bukás na espasyo, payak ngunit maraming atensiyong ibinibigay sa detalye at ornamento na umaangkop sa kaligiran at kaugalian ng mga Filipino. Ganito rin ang prinsipyong sinasalamin ng isa sa pinakahulí niyang nilikha, ang Philippine Stock Exchange Plaza. Ang malalaking arko, malawak na bukás na espasyo ng plaza at saganang lungtiang kaligiran nitó ay animo isang payapang lugar sa gitna ng isa sa pinakaabalang kalye sa lungsod.
Mula 1955 hanggang 1994, ang pangalan ni Locsin ay naging kadikit ng halos 100 gusali, at marami dito ay sa Lungsod Makati. Gayundin ng mahigit 70 tahanan, mga simbahan, hotel, at iba pang pampublikong pasilidad. Ang pinakamalaki at pinakanakamamanghang obra naman na kaniyang nagawa ay ang Istana Nurul Iman, ang palasyo ng Sultan ng Brunei may kabuuang sukat na 200,000 piye kuwadrado. Tumanggap siyá ng iba’t ibang parangal: Ten Outstanding Young Men Award for Architecture (1959); Pan-Pacific Citation mula sa American Institute of Architects Hawaii Chap-ter (1961); Rizal Centennial Award for Architecture (1962); Republic Cultural Heritage Award (1970); Patnubay ng Sining at Kalinangan Award (1972); at Arts and Culture Prize sa ikatlong Fukuoka Asian Culture Prizes Ceremony sa Japan (1992).
Isinilang si Locsin noong 15 Agosto 1928 sa Silay, Negros Occidental kina Guillermo Locsin at Remedios Valencia. Nag-aral siya sa University of Santo Tomas Conservatory of Music para sa kurso sa musika. Isang taon na lamang at makakakuha na ng diploma sa musika, si Locsin ay pumunta sa kursong arkitektura. Ikinasal siyá kay Maria Cecilia Yulo, anak ng industriyalistang si Jose Yulo, na tapos ng kurso sa music theory sa Manhattanville College sa New York at master sa archaeology sa Ateneo, at biniyayaan ng dalawang anak na sina Leandro Jr. na isa ring arkitekto at Luis. Yumao si Locsin noong 15 Nobyembre 1994. (RVR)