láyang-láyang

Fauna, birds, swallow

Ang ibong láyang-láyang ay nása pamilyang Hirundini- dae at tinatawag ding “layáng-layángan,” “langáy-langáyan,”  at  “timpapalís”.  Tinatawag  itong golondrina sa Español at swallow o swift sa Ingles. Ang katawan nitó ay mistulang hinubog para sa gawain nitóng humabol at dumagit ng kulisap. Payat ang katawan nitó at mahabà at matulis ang mga pakpak para sa mabilis at episyenteng pagmamaniobra sa himpapawid. May tulin itong 50-65 kilometro bawat oras sa paglipad. Ang mahabà rin nitóng buntot ay pantulong sa mabilisang paglikwad-likwad sa hangin. Gayunman, may kakayahan din itong mabining tumawid sa langit. Maikli ang mga paa nitó at may mga kukong higit na gamit para sa pag-kapit kaysa paglakad.

Ang kulay ng balahibo nitó ay karaniwang makintab at madilim na bughaw. Maraming alamat hinggil sa láyang-láyang. Halimbawa, may kuwentong Romano na pinag-dalá ng mensahe ang ibong ito. Ngunit dahil alam ng lahat na naninirahan ito malapit sa lupa, ang paglitaw ng láyang-láyang ay itinuturing na magandang pangitain ng mga manlalakbay-dagat. Ang ibig sabihin, malapit na silá sa kanilang destinasyon. (VSA) Photo by Jorge de Ramos

 

 

 

 

Cite this article as: láyang-láyang. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/layang-layang/