lawrél
Flora, trees, spices, cooking ingredients, poisonous plants, medicinal plants, poetry
Ang lawrél (Laurus nobilis), mula sa Español na laurel, ay halamang may lungtian at makintab na dahon. Mayroon itong pangalang siyentipiko na Plumbago indica. Gumagapang ang palumpong na ito, bilu-haba ang mga dahon at ang mga bulaklak ay matingkad na pink o mamulá-mulá.
Kabilang ang lawrél sa pamilyang Plumbaginaceae, at kat-utubo ito sa Timog Silangang Asia. Tumutubò ang lawrél nang hanggang dalawang metro ang taas at may lapad na hanggang isang metro. Karaniwan itong namumuhay sa mga lugar na may klimang subtropiko.
Sikát ang lawrel dahil ang dahon ay sangkap pampalasa sa ulam na gaya ng adobo bukod sa ipinampuputong na korona sa bukod-tanging makata. Kahit hindi naputungan, pinupuri ang banog na makata bilang “makatang lawreado.”
Nakalalason ang ugat ng lawrél na nagtataglay ng plumbagin lalo pa kapag maraming takal nitó ang naipasok sa katawan. Gayunman, sa tamang dosis nitó’y maaaring makatulong ang lawrél sa pagtunaw ng kinain o bilang pampagana ng pagkain. Ang langis naman na nagmumula sa ugat ng lawrél ay maaaring makatulong laban sa rayuma o lumalaking glandula. Nakagagalíng din umano ito ng ilang sakít sa balát. Nakatutulong din umano ang katas mula sa punò ng lawrél laban sa pamamagâ ng mga matá at scabies, o anumang sakít sa balát na nakahahawa. (ECS)