láwin

Fauna, birds, falcon, hawk, species

Ang láwin (Haliastus indus intermedius) ay isang uri ng ibong mandaragit at maninilà ng ibang hayop para kainin. Tinatawag din itong “bánog” sa ilang lugar sa Filipinas. Kilalá ito sa tawag na hawk sa wikang Ingles, minsan ay tinatawag din itong falcon. Matatagpuan ang ibong ito sa maraming lugar sa buong Filipinas. Mas gusto nilang tumigil malapit sa mga kabayanan, mga lugar na maraming naninirahan, sa mga lugar na malapit sa karagatan, o sa mga tabing ilog, at kara-niwang nakadapo sa sanga ng matataas na punongkahoy. Kumakain ito ng isda, sisiw, palaka, at mga insekto.

Pinaniniwalaang iisang uri o magkatulad ang lawin at ang ibong tinatawag na Brahminy Kite na kasama sa pamilyang Accipitridae, at kasama rin ang marami pang ibon tulad ng raptor, agila, buzzard at harrier. Bukod sa Filipinas, matatagpuan ang Haliastus indus sa Sri Lanka, Pakistan, Bangladesh, Indian subcontinent, Timog-silangang Asia at Australia. Ang mga matandang lawin ay may pinaghalòng pulá at kayumang-ging kulay ng balahibo, putîng ulo at dibdib na nagsisil-bing kaibhan nito sa ibang uri ng ibong mandaragit.

Ang mga batàng lawin ay mas matingkad na kayumanggi ang kulay, mas maiksi ang mga bagwis at bilugan ang buntot. Ang panahon ng pagpapalahi ay mula Disyembre hanggang Abril sa Timog Asia. Sa timog at silangang Autralia, nangyayari ito mula Agosto hanggang Oktubre, at mula Abril hanggang Hunyo sa hilaga at kanluran. Ang pugad nitó ay yari sa maliliit na sanga at dahon at malimit makita sa iba’t ibang uri ng punongkahoy, karaniwan na sa bakawan. Dalawang itlog na kulay maasul na putî ang produksiyon ng babaeng lawin na may sukat na 52 x 41 mm. Magkatulong ang babae at lalaking lawin sa paggawa ng pugad at sa pagpapakain, ngunit babae lamang ang lu-milimlim. Ang ingkubasyon o panahon ng pagpisa sa mga itlog ay tumatagal ng 26 hanggang 27 araw. (SSC)

 

 

Cite this article as: láwin. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/lawin/