Lawàng Taál
lakes, water, Batangas, protected areas, fisheries, tourism, tourist destinations
Isang lawà na may tubig-tabáng ang Lawàng Taál sa lalawigan ng Batangas. Ang tubig ng lawà ay pumupunô sa Kalderang Taal o ang maluwag na bunganga na nabuo dahil sa malaking mga pagsabog ng bulkan mga 500,000 hanggang 100,000 taón na ang nakalilipas. Ang Lawàng Taál ang ikatlong pinakamalaki sa bansa, kasunod ng Laguna de Bay at ng Lawàng Lanao. Sa gitna ng Lawàng Taál ay may tinatawag na Volcano Island na mayroon ding lawà sa bunganga (crater lake). Ang crater lake ang pinaka-malaking lawà sa mundo na nása loob ng isang lawà sa isang pulô, na mayroon namang isa ring maliit na pulô sa loob—ang Vulcan Point.
Dahil sa naturang pangyayari, ang tubig sa lawà ay sulpuriko. Ngunit noong araw, ang Lawàng Taál ay konektado sa Lóok Balayan. Dahil sa mga pagputok ng bulkan noong ika-18 siglo, ang koneksiyon ay kumitid sa isang lagusan, ang Ilog Pansipit, na unti-unting nagbara dahil sa siltasyon. Sa gayon, ang tu-big-alat sa lawà ay unti-unting naging tubig-tabáng. Naging tahanan ang lawà ng mga katutubong isda at ibang lamáng-tubig. Pinakapaborito ang malinamnam na “maliputó.” Pinakapopular naman ang “tawílis,” na isang tubig tabáng na sardinas. Isa ring paboritong pook panturismo ang lawà at ang matandang bayan ng Taál, Batangas.
Unang ipinahayag na protektadong pook ang Lawàng Taál noong 22 Hulyo 1967 at sinasaklaw ang 62,292 ektarya. Sa ilalim ng Republic Act 7586 o National Integrated Areas System (NIPAS) Act of 1992, muling naipahayag ang naturang kalagayan ng lawà noong 16 Oktubre 1996. Ang protektadong pook ay pinamamahalaan ngayon ng isang Protected Area Management Board (PAMB). Noon 2007, naging kontrobersiyal ang pagtatayô ng isang health spa ng kompanyang Koreano sa Volcano Island.Napuna naman ang kapabayaan noong 2008 nang magkaroon ng fish kill sa lawà. Umabot sa 50 metriko toneladang isda ang napuksa. (AMP)