Lawàng Sébu

lakes, water, Cotabato , fisheries

Ang Lawàng Sébu ay pangalan ng isang bayan at lawa na nása South Cotabato at nakapaloob sa Lambak Alah. Ang bayan ng Lawang Sebu ay may kabuuang sukat na 891.38 kilometro kuwadrado at elebasyon na 1,000 talampakan kung kayâ’t tinatawag itong Summer Capital ng Katimugang Filipinas. Makikita sa bayang ito ang tatlong natural na lawa, ang Lawang Lahit na may lawak na 24 ektarya, ang Lawang Siluton na may 48 ektarya, at ang pinakamalaki sa tatlo, ang Lawang Sebu na may 354 ektaryang lawak. Isa ang Lawang Sebu sa mga mahalagang watershed o natural na imbakan ng tubig na nása South Cotabato. Isa ito sa mga pinagkukunan ng tubig para sa irigasyon ng mga taniman sa mga lalawigan ng Sultan Kudarat at South Cotabato. Ang lawa ay napapalibutan ng maburol na kagubatan at idineklarang isang protektadong pook at bahagi ng ekoturismo ng bansa.

Kilalá itong pook pamayanan ng mga katutubong Tíbolí, bagaman may nakatira din ditong mga Ubo, Teduray, at Manobo. Dating bahagi ito ng bayan ng Surallah. Makikita rin dito ang Seven Waterfalls o Dongon Falls, ang magkakasunod na pitóng talón: ang Hikong Alu (lagusan), Hikong Bente (ang pinakamataas na talon), Hikong Bilebed (ang paliko-likong talon), Hikong Lowig (kubol), Hikong Kefoi (ligaw na bulaklak), Hikong Ukol (maikli), at ang Hikong Tonok (lupa). Bukod pa dito ang Tidaan Kini Falls na may dalawang bahagdan ng magkasunod na talon.

Maraming malalaking kulungan ng isdang tilapya sa loob ng lawa at siyang pangunahing ikinabubuhay ng mga mamamayan. Ipinagmamalaki ding isa sa pinakamalinamnam ang tilapya mula sa lawa at isinisilbi sa iba’t ibang luto sa mga turista. Ipinagmamalaki ng mga Tiboli ang katutubong habi, ang “tinálak,” na itinuturing na isa sa pinakamarikit ang disenyo ng telang mula abaka. Maraming turista ang nagpupunta sa Lawang Sebu kapag may pista dahil sa makulay na palaro at palabas pangkultura ng mga Tiboli. (AMP)

 

Cite this article as: Lawàng Sébu. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/lawang-sebu/