Lawàng Pinatubò
lakes, water, Pampanga, ancestral domain, tourism, tourist destinations
Nabuo ang Lawàng Pinatubò pagkatapos ng pagsabog ng bulkan na may gayon ding pangalan noong Hunyo 1991. Sa kasalukuyan, ito ang pinakamalalim na lawa sa Filipinas sa lalim na 800 metro. Ito ang pumalit sa nawasak na tuktok ng Bundok Pinatubo, at matatagpuan sa hanggah-an ng mga lalawigan ng Pampanga, Tarlac, at Zambales sa gitnang Luzon, 90 km mula sa Metro Manila. May lapad itong 2.53 km, lawak na 183 ektarya, at elebasyong 900 metro.
Pumapasok ang tu-big sa lawa sa pama-magitan lamang ng ulan. Bumubuhos naman ito sa Ilog Bucao at ilang maliliit na batis. Dahil sa patuloy na pag-imbak ng tubig sa loob ng lawa na hatid ng tag-ulan at malalakas na bagyo, may panganib na mawasak ang natural na dingding ng lawa at bumuhos ang tubig at bahain ang mga karatig na pamayanan, lalo at mapapansing paunti-unting natitibag ang kaldera ng bulkan nitóng mga hulíng taon. Noong 2001, minabuti ng pamahalaan na gawan ng munting lagusan mula sa lawa upang makabawas sa bigat ng tubig; tinatayang sangkapat (1/4) ng lawà ang maingat na pinadaloy sa mga karatig na ilog, batis, at daluyan ng lahar.
Noong 2010, iginawad sa mga katutubong mamamayan ng bulkan—ang mga Aeta—ang sertipiko ng Ancestral Domain para sa dalisdis ng Pinatubo sa Zambales, at kabilang dito ang tuktok at ang lawa. Sa kasalukuyan, isang popular na pook pasyalan ang lawa para sa mga moun-taineer, hiker, at iba pang turista. Mararating ang lawa sa pamamagitan ng tinaguriang “Skyway,” isang daanan para sa mga kotseng four-wheel drive. Mula sa ibabâ, mararating ang lawa pagkatapos ng dalawa hanggang tatlong oras ng pagsakay sa kotse at paglalakad. (PKJ)