Lawàng Lumao

lakes, water, Mindanao, protected areas, Agusan

Ang Lawàng Lumao (Lú·maw) ang ikasampung pinakamalaking lawà sa Filipinas sa lawak na 1680 ektarya. Matatagpuan ito sa Lambak Agusan, malapit sa bayan ng Talacogon sa lalawigan ng Agusan del Sur, sa silangang bahagi ng Mindanao.

Mahigit dalawampung maliliit na ilog at estero ang bumubuhos sa lawa. Ang lawa naman ay bumubuhos ito sa Ilog Agusan, isa sa pinakamalaking ilog sa buong bansa at pinagmumulan ng kabuhayan ng maraming mamamayan ng Rehiyong Caraga. Isa sa mga tampok na lugar dito ang “Pinak Agusan” (Agusan Marsh), isa sa pinakamalaking pinak sa Asia. Ang Lawàng Lumao ang nagsisilbing hilagang hanggahan ng pinak. Sa panahon ng tag-ulan, nagiging isang malaking lawa ang Pinak Agusan; sa panahon ng tag-init, mahigit-kumulang 50 lawa at latian ang lumilitaw. Bilang pinakamalaki sa mga ito, ang Lawang Lumao ay kritikal na bahagi ng eko-sistema ng Agusan at ng buong Mindanao. (PKJ)

Cite this article as: Lawàng Lumao. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/lawang-lumao/