Lawàng Lanao

lakes, water, protected areas

Ang Lawàng Lanao (Lánaw) ang pangalawang pinakamalawak at pangalawa ring pinakamalalim na lawàng may tubig tabáng sa Filipinas. Matatagpuan ito sa lalawigan ng Lanao del Sur. May lawak itong 347 kilometro kuwadrado, ang lawa ay isa sa 17 sinaunang lawa sa buong mundo. Ang hilagang bahagi ng lawa ay mababaw at lumalalim ito papunta sa bahaging timog. Naliligid ito ng magubat na kabundukan at nagsisilbing reservoir para sa idroelektrikong planta ng Agus na nagdudulot ng 55-65 porsiyentong elektrisidad ng Mindanao. Ang Ilog Agus ang kaisa-isang lagusan ng lawa patungo sa Look Iligan.

Ang lawa ay isa ring pangunahing kuhanan ng pagkain at kabuhayan bukod sa nagsisilbing lansangan ng transportasyon at tanghalan para sa mga gawaing pangkultura at panrelihiyon sa mga komunidad sa paligid. Sa pamamagitan ng Presidential Proclamation 971 noong 1992 ay tiniyak na mapoprotektahan ang kagubatan sa paligid at ang tubigang nagdudulot ng koryente at tubig para sa irigasyon at gamit domestiko. Sinasakop ng protektadong pook ang 153,000 ektarya at tahanan sa mayamang mga uri ng flora at fauna, kabilang na ang 18 espesye ng cyprinid na katutubo sa lawà.

Nakatira sa paligid nitó ang mga Mëranaw. Sinasabing noong araw ay maririnig sa paligid ng lawa ang pag-awit ng “darángën” kapag takipsilim. Nása isang gilid nitó ang Lungsod Marawi at ang makabagong Marawi State University. Noong 2003, binuo ang “Lake Lanao Integrated Development Plan” (LLDP) upang maalagaan ang lawa. (AMP)

 

Cite this article as: Lawàng Lanao. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/lawang-lanao/