Lawàng Danao
lakes, water, protected areas
Ang Lawàng Danao (Dá·naw) ang pinakamalaking lawà sa lalawigan ng Cebu sa lawak na 680 ektarya. Mababaw ito sa lalim na 3 metro at may hugis na bilang walo (8). Matatagpuan ito sa hilagang bahagi ng pulô ng Pacijan, na kabilang sa kapuluang Camotes sa lalawigan ng Cebu. Sinasakop ito ng bayan ng San Francisco.
Walang matutukoy na pinaglalagusan ng tubig ang lawà. Karamihan sa mga orihinal na halaman sa kaligiran ay naubos na at napalitan ng mga inaaning niyog at mais. Tumutubò sa pampang ang ilang uri ng orkidya, yerbang medisinal, at ang “soli-soli,” isang uri ng damo na ginagamit ng mga mamamayan sa paggawa ng mga katutubong bag, banig, sombrero, dekorasyon, at iba pang kagamitan. Ilan sa mga uri ng isdang hinuhul-ing pangkabuhayan ay tilapya, bangus, at hito.
Ipinahayag bilang Game Refuge and Bird Sanctuary ang lawa at paligid nitó noong 1965. Matatagpuan dito ang Parkeng Lawang Danao, na maaaring gamitin sa piknik at may naaarkilang bangka, na tinatawag na “sakanaw,” upang baybayin ang lawa. (PKJ)